PNA
NASA proseso ngayon ng pagbuo ng isang inter-agency executive committee na magbabantay sa operasyon ng National Food Authority (NFA) ang pamahalaan, pahayag ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol sa isang media conference nitong Huwebes.
“It will be NFA Council’s clearinghouse,” ani Piñol.
Sinabi ng kalihim na ang planong executive committee ang susuri sa mga ihahaing polisiya at iba pang bagay para sa pagsang-ayon ng NFA Council, ang ahensiyang nagpapatupad ng polisiya.
Kapag inaprubahan, ang komiteng bubuuin ay manggagaling sa Office of the President, Department of Finance, DA, at NFA.
Ayon kay Piñol, ang execom na bubuuin ay maisasapormal sa pamamagitan ng paglalabas ng executive order (EO) ngayong taon.
“Details of the execom are being finalized,” aniya.
Tiwala si Piñol na ang pagbuo ng execom ay makatutulong na mapabuti ang tungkulin ng NFA.
Itinatag noong 1972 bilang National Grains Authority, ang NFA ay ahensiya ng gobyerno na may tungkuling maibigay ang sapat na supply ng murang bigas at mais habang sinisiguro na maibabalik ang magandang presyo para sa mga Pilipinong magsasaka.
Kinumpirma kamakailan ni Piñol ang pagbabalik ng NFA, Philippine Coconut Authority at ng Fertilizer and Pesticide Authority sa pamamahala ng DA, mula sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kabila nito, siniguro naman ng Agriculture secretary na iiwasan nitong makialam sa gawaing may kinalaman sa NFA rice importation, upang maiwasan na rin ang isyu ng pagpabor sa mga kaibigan nito na ang negosyo ay may kinalaman sa pag-aangkat ng bigas.
“I’ll instead designate my alternate, who will attend to NFA importation matters in the execom,” giit ni Piñol.
Kamakailan, inanunsiyo ng NFA na nauubos na ang buffer stock ng bigas dahil hindi kayang bilhin ng ahensiya, sa presyong P17/kilo, ang bigas mula sa lokal na magsasaka, presyong mas mababa kung ikukumpara sa alok ng mga pribadong mangangalakal.
Ang kawalan ng kakayahan na makapag-angkat sa tamang oras ay naging dahilan din upang bumaba ang rice buffer stock, ayon sa NFA.
Paliwanag ng kalihim, tutulong ang DA sa produksiyon ng NFA rice sa mga lugar kung saan sa mas mababang presyo ibinebenta ang bigas.
Naniguro naman si Piñol at sinabing nais ng Malacañang na maging sapat sa 60 araw ang NFA rice buffer stock mula sa 15 araw at 30 araw sa buwan ng Hulyo-Setyembre.