Ni Celo Lagmay

PALIBHASA’Y may matinding pagmamahal sa kapayapaan, ako ay naniniwala na isang higanteng hakbang, wika nga, ang desisyon ni Pangulong Duterte na ipagpatuloy ang usapang kapayapaan sa pagitan ng ating gobyerno at ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front (CPP/NPA/NDF). Natitiyak ko na naputunayan ng Pangulo na ang naturang peace talks – at ang pagkakaroon ng kasiya-siyang resulta nito – ang susi sa pagtatamo ng pangmatagalang kapayapaan sa ating bansa.

Magugunita na ang nabanggit na PH-CPP/NPA/NDF peace talks ay biglang ipinatigil ng Pangulo dahil sa sinasabing tandisang paglabag ng naturang mga rebeldeng grupo sa mga probisyon ng usapang pangkapayapaan. Sa kabila ng pagdedeklara ng gobyerno ng unilateral ceasefire, patuloy naman sa paglusob ang NPA na ikinamatay ng ating mga sundalo. Bagamat may napapatay ding mga rebelde, hindi rin naiiwasang madamay ang mga sibilyan.

May dahilan upang masagad ang pasensiya ng Pangulo sa paghahasik ng panganib at karahasan ng mga NPA rebels. Isipin na lamang na walang puknat ang pangongolekta nila ng revolutionary taxes hindi lamang sa malalaking negosyante kundi maging sa nakaririwasang mamamayan. Sinasabi na ang pagtanggi ng mga kinauukulan na tumugon sa pangangailangan ng naturang mga rebelde ay humahantong sa malagim na wakas.

Sa kabila ng gayong nakadidismayang mga kapangahasan, hinangad pa rin ng Pangulo na ipagpatuloy ang naturang peace talks, isang bagay na dapat lamang mangyari. Katunayan, kabilang ako sa mga naghahangad na marapat na maging maluwag ang ating peace panel sa pagtatakda ng mga kondisyon upang maging malaya ang magkabilang panig sa paglalatag ng makabuluhang mga argumento tungo sa pagpapatibay ng peace agreement.

Nasa wastong direksiyon, halimbawa, ang pagpapahintulot sa mga NDF consultants na malayang makalahok sa usapang pangkapayapaan. Kung mamarapatin ng Pangulo, marapat ding maging maluwag sa pag-aalis ng taguring terorista na ikinapit sa mga kaalyado ni Jose Ma. Sison, CPP Chairman at founder.

Sa pakikipag-usap sa CPP/NPA/NDF, hindi dapat kaligtaan ang pagbubunsod ng gayon ding pakikipag-usap sa mga rebeldeng Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at iba pang rebel groups. Ang kasiya-siyang resulta ng isasagawang peace talks ay natitiyak kong magbubunga ng tinatawag na lasting peace sa buong bansa.

Sa gayon, maiiwasan ang malagim na labanan na nagiging dahilan ng pagdanak ng dugo, hindi dugo ng mga dayuhan, kundi dugo ng mga kapwa Pilipino.