Ni Jun Ramirez

Labing-apat na taong pagkakakulong ang inihatol ng Court of Tax Appeals (CTA) laban sa isang Metro Manila bus operator na napatunayang guilty sa apat na hiwalay na tax evasion case, na isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa 36-pahinang pinagsamang resolusyon, bukod sa hatol ay pinagbabayad din ng Second Division ng CTA si Samuel S. Santos, president ng Kingsam Express Inc. ng Valenzuela City, ng P800,000 dahil sa pagsusumite ng maling financial statements (FS) at paghahain ng mga pekeng income tax return para sa pagbubuwis noong 2008 at 2009.

Ipinauubaya naman ng hukuman sa BIR ang pag-assess sa kakulangan ng kita at value-added taxes (VAT) mula sa naturang kumpanya na may hiwalay na multang P400,000 para sa dalawang taon.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa record ng hukuman, isiniwalat ng BIR ang malawakang hindi pagdedeklara sa pamamagitan ng expenditure, o networth method ng imbestigasyon.

Ang nasabing audit procedure ay pinahintulutan sa ilalim ng Tax Code sa teorya na ang mga pondo ng isang taxpayer ay lumampas sa itinakdang taon na ang kanyang kita ay iniulat na hindi deklarado kung ang pinagmulan ng pera naman ay hindi maipaliwanag.

Idineklara ng kumpanya na P2.8 milyon ang kinita nito para sa naturang dalawang taon, ngunit nakabili ng 25 unit ng Hyundai at King Long bus na nagkakahalaga ng P50 milyon.

Ang lahat ng gastusin sa pagbili ng mga ito ay hindi nakita sa assets o liabilities sa financial statements (FS), na isinumite ng Kingsam sa taunang income tax returns para sa nasabing mga taon.

Ibinasura naman ng korte ang pahayag ng akusado na ang pagbili ay pinondahan sa pamamagitan ng utang mula sa bangko gayundin sa savings ng kanyang asawa na hindi rin umano naideklara sa FS.

“There is an intentional hiding of the actual transaction of such acquisitions from the authorities,” sabi ni Associate Justice Catherine T. Manahan na sumulat ng desisyon.