Ni Light A. Nolasco

CABANATUAN CITY - Tumimbuwang ang tatlong umano’y tulak ng droga sa buy-bust operation ng pulisya sa tatlong magkakahiwalay na lugar sa Nueva Ecija, nang tangkain umanong makipagbarilan sa mga awtoridad nitong Biyernes ng madaling-araw.

Unang nasawi si Marvin Magtalas y Capala, alyas “Dikong”, 19, binata, ng Barangay Matias, Talavera, makaraang mauwi umano sa engkuwentro ang anti-drug operation na pinangunahan ni Supt. Joe Neil E. Rojo, OIC ng Talavera Police.

Narekober umano ng pulisya mula kay Magtalas ang isang .38 caliber Smith & Wesson, tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang marijuana cube, at P500 marked money.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Patay din si Rolando Lapuz y Mangawang, alyas “Poncing Tayson”, 33, binata, ng Bgy. Ligaya, Gabaldon, na umano’y nanlaban din sa buy-bust nitong Biyernes ng hatinggabi.

Nasamsam umano kay Lapuz ang anim na plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang .38 caliber revolver, at P1,000 drug money.

Humantong din sa kamatayan ni Eduardo dela Rosa ang operasyon ng pulisya laban sa kanya sa Bgy. Kapalangan, Cabanatuan, dakong 5:30 ng umaga, at nakuhanan din umano ng ilang plastic sachet ng hinihinalang shabu at hindi lisensiyadong .38 caliber revolver.