Ni Bert de Guzman
BUMULAGA sa mga mambabasa at taumbayan noong Martes (Marso 13) ang pangunahing balita ng isang English broadsheet: “DOJ clears Kerwin, Peter Lim of drug raps.” Sino ba si Kerwin? Sino ba si Peter Lim”.
Si Kerwin Espinosa ang anak ng pinatay sa kulungan na si Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa. Umamin noon si Kerwin na siya ang tunay na drug dealer at hindi ang kanyang ama. Si Peter Lim naman ang Cebu-based businessman na umano’y campaign supporter ni candidate Rodrigo Roa Duterte noong May 16 elections. Siya ay kumpare ni PRRD. Siya rin umano ang supplier ng droga ni Kerwin.
Kung natatandaan pa ninyo, si Kerwin ay tumestigo laban kay Sen. Leila de Lima na umano’y nagbigay ng milyun-milyong pisong kontribusyon sa kanyang pagtakbo sa Senado. Itinanggi ito ni De Lima.
Bukod kina Kerwin at Peter Lim, inabsuwelto rin ng Dept. of Justice sa kasong droga sina umano’y New Bilibid Prisons drug trafficker Peter Co, Max Miro, Ruel Malindangan, Jun Pepito at Lovely Adam Impal at 12 iba pa. Hindi ba si Peter Co ay isa sa convicted drug lord na nagdiin kay Sen. Leila tungkol sa umano’y illegal drug trade sa NBP?
Sa 41-pahinang resolusyon, idinismiss ng investigating panel prosecutors bunsod ng kawalan ng probable cause, ang reklamong “for sale, administration, dispensation, trading, delivery and transportation of illegal drugs under RA 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act against Lim and the other respondents, which was filed by the Philippine National Police-Criminal Investigation and Detective Group last year.”
Kung ganoon pala, palpak ang mga bintang at akusasyon ng PNP ni Gen. Bato laban sa mga akusado na kinabibilangan ng drug dealer na si Kerwin at umano’y drug lord na si Peter Lim. May banta pa noon na kapag lumabas sa eroplano si Lim, tiyak na siya’y patay. Papaano ngayon si De Lima na nakakulong dahil sa testimonya nina Kerwin at Peter Co na sangkot ang noon ay DoJ secretary sa kalakalan ng ilegal na droga?
Parang nag-iisa ngayon si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa paglaban sa impeachment complaint laban sa kanya. Maging ang mga hukom, empleyado ng SC ay nanawagan na mag-resign na lang si Sereno upang maiiwas ang Korte Suprema sa kahihiyan. Sagot ni Sereno, “Hindi ako magbibitiw.”
Para sa Malacañang, tama at angkop lang ang tugon ni Mano Digong laban sa opisyal ng United Nations na nagsabing dapat sumailalim ang Pangulo sa psychiatric evaluation. Ayon sa Pangulo, kapag nagpunta ang UN investigators sa ‘Pinas, ipakakain sila sa mga buwaya. Bulong ng kaibigan ko: “Oo nga, ihagis mo sila sa Kongreso. Maraming masisiba at gutom na buwaya roon.”