INARESTO si Nick Gordon nitong Sabado sa Seminole, Florida, dahil sa kasong domestic violence, nang ireklamo siya ng kanyang girlfriend na si Laura Leal na diumano’y sinuntok niya sa mukha habang nagmamaneho.
Naging laman na rin ng balita si Gordon mula nang mamatay ang kanyang ex-girlfriend na si Bobbi Kristina Brown, noong Hulyo 2015. Noong Nobyembre 2016, inatasan siyang magbayad ng mahigit $36 million para sa maling death suit ni Brown.
Ayon sa umarestong pulis nitong Sabado, kita ang pinsalang pisikal ni Leal, kabilang ang medyo magang labi na natuyuan na ng dugo.
Ayon sa pahayag ni Leal, sinundo niya si Gordon sa bar, at habang nagmamaneho siya ay bigla siyang sinuntok ng ilang beses sa kanyang kanang pisngi. Sinabi rin ni Leal na sinabunutan siya nito, at sinabihang nais nitong masira o maibangga ni Leal ang sasakyan.
Samantala, ayon sa pulis, itinanggi ni Gordon ang panununtok at sinabing nais lang nitong umalis ang babae sa kanyang bahay, nang punitin nito ang kanyang damit at batuhin siya ng bote.
Isiniwalat din ni Gordon na sinugod siya ni Leal nang walang dahilan, at ito ay “crazy,” bagamat ayaw niya itong kasuhan. Aniya, umiinom sila nang maganap ang insidente.
“I didn’t hit her. She attacked me and ripped my shirt,” lahad ni Gordon, ayon sa pulisya. “She also threw a bottle at me. I just want her to leave my house.”
Tumanggi sa pagsusuring medikal si Leal at tumanggi ring kasuhan si Gordon, na aniya ay karelasyon niya nitong nakaraang anim na buwan. Hindi na rin niya kinumpleto ang anumang domestic violence paperwork.
Inaresto si Gordon sa kasong Battery Domestic Violence, at may piyansang $500. Haharap naman siya sa Korte sa Abril 6.
Noong Hunyo, inaresto si Gordon sa Sanford, Florida, para sa kasong domestic violence at pagkidnap sa kanyang girlfriend. Ibinasura kalaunan ang mga kaso.
Naglabas si Bobby Brown, tatay ni Bobbi Kristina Brown, ng pahayag sa pamamagitan ng kanyang legal representative, na nag-aalok kay Leal ng legal services at suporta.
“We have been informed that Nick Gordon was arrested for domestic violence of Laura Leal in Florida yesterday,” lahad ni Christopher Brown ng Brown & Rosen LLC, Counsel ni Bobby Brown. “We would like to speak with Ms. Leal and offer her services through the Bobbi Kristina Brown Serenity House, a not for profit organization designed to assist women who have been victims of domestic violence.”
“On March, 4 2018, the Bobbi Kristina Brown Serenity House held our first event to strike back at domestic violence,” saad sa pahayag ni Brown. “I personally would like to extend my hand to Ms. Leal and offer her services through our organization. I do not want to see any more families destroyed at the hands of domestic violence.”
Walang criminal charges ang isinampa laban kay Gordon na may kinalaman sa pagkamatay ni Bobbi Kristina Brown. Siya ay napatunayang liable para sa kanyang wrongful death sa civil court.