Ni Bert de Guzman
KAPAG minalas si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes sa kinakaharap na impeachment complaint, siya ang pangalawang Punong Mahistrado na mapatatalsik sa puwesto. Ang una ay si ex-SC Chief Justice Renato Corona na ayon sa mga report ay mismong si ex-PNoy ang nagsumikap na siya’y mapatalsik.
Dahil sa pananaw o perception ng mga tao ay mismong si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang interasado na matanggal si Sereno, baka raw sumunod sa yapak at kapalaran ni Corona ang unang babae na naging SC Chief Justice, courtesy of PNoy.
Tandaan, mahirap kalabanin ang Pangulo ng Pilipinas. Wika nga sa English: “You can’t fight City Hall.’ Dito, ang ibig sabihin ng city hall ay ang Malacañang. Mabigat na kaaway ang nakaupo sa City Hall, este Malacañang, sapagkat lahat ng ahensiya ay puwede niyang gamitin laban sa iyo, tulad ng BIR, DoJ, NBI upang ikaw ay gipitin at dikdikin.
May mga balitang pangungunahan ni ex-Senate President Juan Ponce Enrile (JPE) ang pribadong prosecutors sa impeachment trial ni Sereno sa Senado. Si JPE na isang beteranong abogado ang nag-preside sa impeachment trial noon kay Corona. Bagamat 93 anyos na, matalas pa rin ang kanyang pag-iisip at magaling sa mga argumento.
Pansamantala siyang pinalaya ng Sandiganbayan noong 2015 dahil sa humanitarian reason. Siya ay nakulong bunsod ng pagkakasangkot sa pork barrel scam. Malaki ang naitulong ni JPE upang ma-convict si Corona na nais ni PNoy na maalis sa puwesto. Pero, ang naging sukli nito ay ang pagsasama sa kanya ng administrasyon sa pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles.
May sapantahang nais ni JPE na makaganti kay PNoy para mapatalsik si Sereno na piniling maging Punong Mahistrado.
Noon ay si SC Senior assocaiate justice Antonio Carpio ang pinaka-senior na miyembro ng SC na dapat ay hinirang na Chief Justice. Maaari rin daw na gusto ni JPE na maging “maganda” sa mata ni PRRD upang tuluyang pawalang-sala sa kaso ng pork barrel. Kahit hiwalay na sangay ang Sandiganbayan, maaari namang maimpluwensiyahan ito ng Punong Ehekutibo. Takot lang ng Sandiganbayan justices kay Mano Digong. Anyway, mga sapantaha lang naman ang mga ito.
Para kay Jose Maria Sison (Joma) na kabilang sa listahan ng gobyerno bilang terorista, si PRRD raw ang “number one terrorist” sa bansa. Pahayag ni Joma: “Duterte and his minions are stupid and pretend to be ignorant that I have won legal cases for the removal of my name from the EU list of terrorists and for the dismissal of murder charges fabricated against me by the Arroyo regime and fed by this regime to the Dutch government.”
Maraming Pilipino ang pabor na gawing legal ang diborsiyo sa Pilipinas. May 53% ang pabor, 32% ang salungat. Isa sa dalawang Pilipino ang katig dito. Ayon sa Social Weather Stations (SWS), payag silang magdiborsiyo ang mag-asawang hiwalay na at hindi na puwedeng mag-reconcile upang sila’y magkaroon ng bagong oportunidad na makapag-asawa ng iba. At makahanap ng “Pangalawang Langit.”
Di ba sa pamosong kanta ni Frank Sinatra ay ganito ang isinasaad? “Love is lovelier the second time around.” Maaaring tama ito ngunit papaano ang mga bata o anak na tiyak na magdurusa sa paghihiwalay ng ama at ina?