Ni Ric Valmonte
NANG pagdebatehan ang tagong yaman ng mga kandidato sa pagkapangulo nitong nakaraang halalan, nilagdaan ni Pangulong Duterte at mga kapwa niya kandidato ang isang waiver na nagbibigay laya sa sinuman upang busisiin ang kanilang deposito sa bangko.
Ang problema sa waiver na ito ng Pangulo ay hindi ito magamit dahil hindi nakasaad ang partikular na bangko at bank account. Kaya, hanggang ngayon, animo’y anino na ayaw siyang hiwalayan ng isyung may itinatago siyang yaman na nakadeposito sa bangko. Sa pagkakaalam ni Sen. Antonio Trillanes ito ay nagkakahalaga ng P200 milyon.
Nagsampa si Trillanes ng kasong unexplained wealth sa Ombudsman, ngunit i-dinismiss ang kaso dahil ayaw umanong makisama ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC). Mukhang epektibo ang pananakot ng Pangulo sa Ombudsman at sa AMLAC. Nang simulan ng Ombudsman ang imbestigasyon sa hindi maipaliwanag na yaman ng Pangulo, binatikos na nito ang Ombudsman. Ganito rin ang ginawa niya sa AMLAC.
Ngayon, nais papaniwalain ng Pangulo ang mamamayan na walang katotohanan ang ibinibintang sa kanya na tagong yaman. Nais niyang palabasin na nagsisinungaling ang kanyang mga kritiko, lalo na si Sen. Trillanes. Ngunit ayon sa senador, tanging waiver lamang ang makakapag-bigay kasiyahan sa taumbayan sa kanyang alegasyon na wala siyang itinatagong malaking halaga maliban sa P40 milyon na ang bahagi nito ay namana niya sa kanyang mga magulang. “Dapat manguna siya sa espiritu ng transparency” wika ni Senador Trillanes. Dapat, aniya, isapubliko ng Pangulo ang kanyang mga bank deposit.
Nakahanda naman umano ang Pangulo na ipabusisi ang kanyang bank records. Kaya lang, ang Presidential Anti-Curruption Commission (PACC), na siya mismo ang lumikha, ang bubusisi. “Umaasa ako na walang makikita itong iregular dito” sabi ng Pangulo. Sigurado na ito. Talagang wala itong makikita, kaya nga niya ito nilikha. Sa oath taking ng mga opisyal ng PACC sa Malacañang nitong Martes, sinabi ng Pangulo na nanatiling “off-limits” ang kanyang bank records sa kanyang mga kaaway dahil baka gamitin nila ang mga ito sa kanilang fishing-expedition.
Ngunit, alam ng Pangulo ang kahalagahan na malaman ng lahat na wala siyang itinatagong hindi maipaliwanag na yaman. Kasi, ebidensiya ito ng kurapsiyon. Kaya wika niya: “Kaya kong laitin at maging bastos sa mga oligarchs dahil hindi ako sangkot sa corruption.” Puwede, aniyang, alamin ng mga opisyal ng PACC ang kanyang bank accounts sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) gamit ang kanilang koneksiyon. Nadarama kaya ng Pangulo ang bigat ng dala niyang bagahe sa hindi maputul-putol na isyung ito? Lagi niyang sinasabi.
“Kung gusto ninyong malaman ang laman ng akin bank account, ibibigay ko na sa iyo ngayon.” Ang higit na magpapatibay na walang itinatagong unexplained wealth ang Pangulo ay ang pagpirma niya ng waiver. Ito lang ang tanging paraan para mawakasan ang isyu at para lalo siyang bumagsik sa mga oligarchs. Ito rin ang tanging paraan na magkaroon ng moral authority ang puwersang nagkokondena kay Chief Justice Sereno dahil sa hindi niya kumpletong isinumite ang kanyang SALN. Kung hindi, wala siyang pinag-iba, o mas grabe pa siya kay CJ Sereno.