Ni Fer Taboy
Pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu ang pitong estudyante sa Surigao City, Surigao del Norte, nitong Biyernes ng hapon, iniulat ng pulisya kahapon.
Sinabi sa ulat na naglalakad umano sa gilid ng kalsada ang mga estudyante ng Grade 10 sa Capalayan National High School bandang 4:30 ng hapon nang bigla na lamang silang magkakasunod na natumba.
Pagkatapos ay nagwala at nagsisigaw umano ang pitong estudyante habang naninigas umano ang mga katawan.
Kinailangan pa ng maraming kalalakihan para pigilan ang pagwawala ng mga estudyante, na makalipas ang ilang minuto ay kumalma na at nagkamalay.
Ayon sa 17-anyos na isa sa mga pitong umano’y sinapian, ang huling naalala niya bago siya nawalan ng ulirat ay nag-init umano ang kanyang batok.
Tatlo sa nasabibng pitong estudyante ang hindi pa pumapasok sa eskuwela simula noon dahil sa matinding takot sa nangyari.