Ni Clemen Bautista
SA bawat panahon, karaniwan na ang mga pangyayari sa ating bansa na may mga kababayan tayo na lumulutang at nakikilala ang angking talino, kakayahan at potensiyal sa iba’t ibang larangan. Binibigyan ng pagkilala at parangal. Hindi lamang sa iniibig nating Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Ikinararangal ng kanilang pamilya at ng ating bayan. Ngunit nangyayari din kung minsan at may mga pagkakataon na parang kabuteng sumusulpot kung tag-ulan na may kababayan tayo na sa halip na talino ang lumutang, ang nangingibabaw ay ang kanilang makitid na pag-iisip, kakulangan ng sapat na kaalaman at sabi nga ng iba--ang kaungasan.
Mababanggit na isang halimbawa nitong nagdaang paggunita at pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Sa nasabing pagdiriwang, karapatan ng bawat Pilipino na nagpahayag ng kanilang saloobin at pananaw sapagkat sa demokratikong bansang tulad ng Pilipinas, ang isang Pilipino’y malayang magpakatalino at malaya ring magpakagago.
Marami ang namangha, napailing at napa-look na lamang sa sky nang itanong ni Assistant Presidential Communications Secretary Mocha Uson sa social media sa kanyang mga follower kung ang 1986 EDSA People Power Revolution ay produkto ng fake news o pekeng balita? Ginawa ang pagtatanong noong Pebrero 25, 2018 na paggunita at pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Natatangi sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas ang EDSA People Power Revolution sapagkat walang dugong dumanak at buhay na nautas na karaniwang nangyayari sa mga himagsikan. Sa pagkakaisa ng mamamayan, dasal, imahen ng Mahal na Birhen at mga bulaklak na itinapat sa bibig ng baril ng mga sundalo, nalagot at nagwakas ang rehimen at diktaduryang pamamahala ni Pangulong Ferdinad Marcos na sumikil at sumupil sa mga karapatan ng mamamayan. Naibalik ang demokrasya at kalayaan. Ang EDSA People Power Revolution ay hinangaan ng buong daigdig.
Ang ginawa ni Assistant Presidential Communications Secretary Mocha Uson ay nagbunga ng iba’t ibang reaksiyon. Isa na rito ang tambolero ng Pangulong Rodrigo Duterte na si Harry Roque na nagsabing hindi isang pekeng balita ang Edsa Revolution. Nananatili ito na isang pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas na kinikilala ng Malacañang. Pinondohan upang gunitain ang nasabing mahalagang bahagi ng kasaysayan.
May nagsabi naman na labis na nakahihiya ang ginawa ni Assistant Presidential Communications Secretary Mocha Uson.
Hindi raw kaya siya nabigyan ng impormasyon na ang Pangulong Rodrigo Duterte sa inilabas nitong pahayag ay nanawagan ng pagkakaisa sa paggunita ng EDSA People Power Revolution? Sa bahagi ng pahayag ng Pangulong Duterte, bilang pagkilala sa nasabing himagsikan, tinawag niya ang EDSA People Power Revolution na sagisag ng ating determinasyon na ipaglaban kung ano ang tama o matuwid. Bumuo pa ng Komisyon upang palaganapin ang diwa ng EDSA.
May mga nagpahayag din na paanong magiging fake news o pekeng balita ang EDSA People Power Revolution, lahat tayo ay nakinabang sa mga bunga ng nasabing himagsikan. Ayon naman sa ilang Rizalenyo na simputi na ng bulaklak ng talahib ang mga buhok na lumahok noon sa EDSA People Power Revolution, kailangang basahin muli ang Philippine History lalo na ang bahagi ng Edsa Revolution upang hindi masabing bugok sa kasaysayan ng ating bansa.