Dominasyon ng Warriors sa Knicks patuloy; Mavs at Raptors, wagi

NEW YORK (AP) — Mainit ang opensa ng Warriors at sa pangunguna ng pamosong ‘Splash Brothers’ naitarak ng Golden State ang 125-111 panalo kontra New York Knicks nitong Lunes (Martes sa Manila).

Nagsalansan si Klay Thompson ng 26 puntos, habang kumana si Stephen Curry ng 21 puntos, tampok ang 14 sa matikas na ratsada ng Warriors sa third period para makopo ang ikatlong sunod na panalo matapos ang All-Star break.

Nag-ambag si Kevin Durant ng 22 puntos at siyam na rebounds sa Golden State, nalamangan ng isang puntos sa halftime bago ang ratsada sa third period kung saan naungusan ang New York, 39-18, para hilahin ang dominasyon sa Knicks sa walo – isang panalo ang kakulangan para maitala ang longest winning streak sa serye. Naitala ng Warrior ang 9-0 noong 1963-64 season.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Hindi man napantayan ni Curry ang matikas na 54 puntos sa Madison Square Garden may limang taon na ang nakalilipas, naipamalaas naman ng Warriors ang lalim ng bench kung saan anim na players ang nakaiskor ng double digits at naisalpak ang 15 three-pointer.

Nanguna si Emmanuel Mudiay sa Knicks na may 20 puntos.

MAVS 109, PACERS 103

Sa Dallas, tinuldukan ng Mavs, sa pangunguna nina Harrison Barnes na may 21 puntos at J.J. Barea na kumana ng 19 puntos, ang four-game losing streak nang daigin ang Indiana Pacers, 109-103.

Natuldukan din ng Mavericks ang four-game winning streak ng Indiana at nakumpleto ang two-game season series.

Hataw din si Doug McDermott sa naiskor na 15 puntos para sa Dallas, at tumipa si Dwight Powell ng 10 puntos at 14 rebounds.

Nanalasa si Victor Oladipo para sa Pacers sa naiskor na 21 puntos.

PELICANS 125, SUNS 116

Sa New Orleans, naitala ni Anthony Davis ang season-high 53 puntos, 18 rebounds at limang blocked shots para mahila ang winning streak ng Pelicans sa 6-0.

Kumubra si Jrue Holiday ng 20 puntos para sa Pelicans, nanindigan sa kabila ng pagkawala ni All-Star DeMarcus Cousins bunsod ng napunit na Achilles nitong Enero 26.

Kumana ang nagbabalik na si Emeka Okafor, kinuha ng Pelicans bilang pamalit kay Cousins, ng 14 puntos. Nakikipagbuno ang New Orleans sa ikalimang puwesto sa Western Conference playoff. Huling naglaro sa NBA si Okafor noong 2013.

Nanguna sa Suns – nabigo sa ika-10 sunod na laro -- si Devin Booker sa naitalang 40 puntos at 10 rebounds, habang umiskor si T.J. Warren ng 23 puntos at Josh Jackson na may 20 puntos at 12 rebounds.

THUNDER 112, MAGIC 105

Sa Oklahoma City, ginapi ng Thunder, sa pangunguna ni Paul George na may 26 puntos, ang Orlando Magic.

Kumana si George, nalimitahan sa limang puntos sa blowout loss sa Golden State nitong Sabado, ng 9-for-20 sa field goal. Nag-ambag si Steven Adams ng 16 puntos at tumipa si Russell Westbrook ng walong puntos, 12 rebounds at 11 assists.

Tumipa ng tig-19 puntos sina Evan Fournier at Johnathon Simmons, habang kumana si Aaron Gordon ng 18 puntos para sa Orlando,nabigo sa ikaanim na sunod.

Sa iba pang laro, nalambat ng Brooklyn Nets ang Chicago Bulls, 104-87; dinurog ng Toronto Raptors ang Detroit Pistons, 123-94; binalian ng bagwis ng Los Angeles Lakers ang Atlanta Hawks, 123-104.