Matt Ganuelas-Rosser ng San Miguel Beer (PBA Images)
Matt Ganuelas-Rosser ng San Miguel Beer (PBA Images)

Ni Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Cuneta Astrodome)

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

4:15 n.h. -- San Miguel Beer vs Blackwater

7:00 n.g. -- NLEX vs Meralco

PATATAGIN ang kapit sa solong pamumuno ang tatangkain ng reigning champion San Miguel Beer sa muli nilang pagsabak ngayong hapon sa 2018 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay.

Nasolo ng Beermen ang pamumuno matapos ungusan ang dating co-leader na Magnolia Hotshots nitong Pebrero 4, 77-76, makaraang mag-step-up ang reserve guard na si Chico Lanete habang naka -sideline ang isa sa kanilang ace guard na si Alex Cabagnot na may iniindang “plantar fasciitis”.

Bagama’t may ilang indibiduwal na tumatayong bayani sa bawat nilang laro, naniniwala ang Beermen na kabuuang team effort ang susi sa nakakamit nilang tagumpay.

“Each game is really a team effort win for us, “ wika ni Marcio Lassiter.

At gaya ng dati, ito ang kanilang sasandigan para makamit ang target na ikapitong panalo.

Kasalukuyang nasa 6th spot kapantay ng Meralco na sasabak sa tampok na laro kontra NLEX hawak ang barahang 2-5, sisikapin naman ng Blackwater Elite na muling makapagtala ng upset win para makabalik ng winning track at makopo ang ikatlong panalo.

Sa tampok na laban, makapagsimula ulit ng winning run ang hangad ng NLEX Road Warriors makaraang makabalik ng winner’s circle sa pamamagitan ng 81-78, na pag -ungos sa Barangay Ginebra nitong Sabado sa parehas ding venue na nag -angat sa kanila sa kinahulugang apat na sunod na pagkatalo.

Magkukumahog naman ang Bolts na makabawi sa 84-90 kabiguan sa kamay ng Rain or Shine at makaahon na mula sa patuloy na pangangapa sa kanilang laro tuwing sumasabak sa Philippine Cup.