Ni Celo Lagmay
HANGGANG ngayon, masyado akong nalalabuan sa magkakasalungat, pabago-bago at tila walang patutunguhang imbestigasyon hinggil sa sinasabing mapaminsalang epekto ng anti-dengue vaccine o Dengvaxia. Lumulutang pa rin ang sisihan, takipan at walang katapusang pagtanggi sa mga pananagutan na humantong sa kamatayan ng ilang naturukan ng nasabing gamot.
Ibig kong maniwala na ang mga public hearing sa Kongreso ay tila kasinglabo ng tubig na nilabusaw ng pusit, wika nga.
Sa pagdinig sa Kamara kamakalawa, gayunman, lalong pinaiigting ng mga mambabatas ang pag-ugat sa pananagutan ng mga resource persons na pinangungunahan ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Health (DoH). In aid of legislation, wika nga, at upang malantad ang katotohanan sa masalimuot na P3.5 billion Dengvaxia transaction ng nakaraang administrasyon.
Nalantad ang pabago-bagong pahayag ng opisyal ng Sanofi pasteur, ang sinasabing French drug manufacturer na nagbenta ng naturang gamot. Tandisan niyang ipinahayag na hindi maibabalik ang nabanggit na halaga. Sa makatuwid, ang gayong pagpayag ay mangangahulugan ng kawalan ng bisa ng ipinagbili nilang anti-dengue vaccine. May mga pahiwatig na hindi Dengvaxia ang ikinamatay ng nabanggit na mga biktima.
Taliwas ito sa paninindigan ng Public Attorneys Office (PAO) na kagyat na nagsampa o magsasampa pa lamang ng asunto laban sa mga dati at kasalukuyang mga opisyal ng DoH. Bunsod ito ng reklamo ng mga magulang ng mga namatay dahil umano sa Dengvaxia, tulad ng lumitaw sa forensic examination na isinagawa ng mga eksperto ng PAO at ng iba pang medical clinic.
Anuman ang kahinatnan ng katakut-takot na kasong isasampa laban sa sinasabing dapat managot sa kontrobersyal na pagbakuna, natitiyak kong ito ay makapagpapahupa sa panggagalaiti ng mga magulang na hanggang ngayon ay nagpapalahaw sa pag-iyak dahil sa matinding pagdadalamhati sa kamatayan ng kanilang mga anak.
Hindi kaya ang buong pagpapakumbabang paghingi ng paumanhin ng Aquino administration ay makapapawi sa pagngingitngit ng kalooban ng mga biktima ng sinasabing mapaminsalang Dengvaxia? Tahasang ipinahiwatig ni Senador Richard Gordon, halimbawa, na marapat lamang na mag-apologize si dating Pangulong Benigno Aquino kaugnay ng kontrobersyal na anti-dengue vaccine. Ipinahiwatig ng Blue Ribbon committee chairman na ang dating Pangulo ang may pananagutan sa nasabing transaksiyon, isang bagay na pinasinungalingan na noong nakaraang pagdinig.
Totoo na may mga dapat managot sa masalimuot na transaksiyon. Subalit sa takbo ng mga imbestigasyon na kaakibat ng mga pabago-bagong paninindigan, tila walang patutunguhan ang mga pagdinig.