Ni Nonoy E. Lacson

ZAMBOANGA CITY - Limang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang sumuko sa militar sa Basilan, nitong Linggo, matapos mapagtagumpayan ng mga sundalo ang kanilang opensiba laban sa mga terorista sa Basilan-Sulu-Tawi-Tawi (BaSulTa) areas.

Sinabi kahapon ni Joint Task Force Basilan commander Brig. Gen. Juvymax Uy na sumuko sina Hasib Sarikin Mion at Hamdi Nor Bareo sa mga tauhan ng 74th Infantry Battalion, sa ilalim ng pamumuno ni Lt Col. Jonas Templo, sa Barangay Macalang, Albarka, Basilan, dakong 2:00 ng hapon nitong Linggo.

Sa 68th, 18th, at 64th Infantry Battalions naman sa JTF-Basilan sumuko sina Garama Sulayman, 21; Omar Jaljalis, 18; at Marhaban Pael, 34, bandang 7:00 ng gabi nitong Sabado.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Isinuko ng limang terorista ang dalawang M16 A1 rifle, isang .5.56mm Carbine rifle, at dalawang short magazine na may 21 bala.

“Mion is an Abu Sayyaf member under Furuji Indama and Bareo is listed under the AFP’s list as a member of the group of Nurhassan Jamiri. Mion and Bareo yielded their two US M1 Garand rifles to the troops,” ani Uy.

Isasailalim naman sa custodial debriefing sina Mion at Bareo sa Bgy. Cabangalan, Ungkaya Pukan, Basilan, samantalang dinala ang tatlo pa sa headquarters ng JTF-Basilan para sa kaukulang disposisyon.

“Sulayman and his companions surrendered to the troops with the assistance of Mayor Boy Hataman of Sumisip, Basilan,” sabi ni Uy.

“Ayon sa tatlo, nagawa nilang sumuko dahil sa pagod, hirap at gutom na kanilang nararanasan sa loob ng teroristang grupong ASG. Maliban pa dito ang kanilang nararanasang pang-aabuso sa kamay kanilang mga lider at kasamahan, kagaya ng pambubugbog, pagmamaltrato at minsan pinapatay,” pahayag pa ni Uy.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Commander Lt. Gen. Carlito Galvez na simula Enero 1, 2017 hanggang Pebrero 4, 2018 ay umabot na sa kabuuang 172 sa ASG ang sumuko sa Joint Task Forces sa ZamBaSulTa area.