Ni MIKE U. CRISMUNDO

CAMP BANCASI, Butuan City - Boluntaryong sumuko sa militar ang isang umano’y vice commander ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA)-Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) nitong Sabado.

Ayon kay 71st Infantry (Kaibigan) Battalion commander Lt. Col. Esteveyn Ducusin, bukod sa vice commander, sumuko rin ang 11 iba pang mandirigma ng kilusan sa Purok 8, Barangay Nueva Visayas sa Mawab, Compostela Valley.

Nilinaw ni Ducusin na ang mga sumuko ay kaanib ng Sandatahang Yunit Pangpropaganda ng Guerilla Front Committee 27 (FC 27) ng CPP-NPA.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Hindi muna ibinunyag ng militar ang pagkakakilanlan ng mga ito para na rin sa kanilang seguridad.

Sinabi ni Ducusin na isinasailalim nila sa debriefing ang mga naturang rebelde.

Nitong nakaraang linggo, aabot din sa walong miyembro ng NPA, na kaanib naman ng guerilla-Front Committee 2, SRC 2 ng CPP-NPA-SMRC, ang sumuko rin sa kaparehong military unit.

Isinuko rin nila ang mga subersibong dokumento, kabilang ang mga reading materials na may titulong “100 Taon Rebolusyong Oktubre”, iba’t ibang bala, at isang cell phone, kung saan naka-record ang mga high-intelligence value information.

“The significant number of NPAs who surrendered almost every day is a manifestation that some NPA terrorists are already tired and because of this we continue our focused military operation to hunt down remaining communist terrorists who continue their violent acts against our constituents,” pagdidiin pa ni Ducusin

Kaugnay nito, ibinunyag ng pulisya sa Agusan del Norte na nananatiling banta pa rin sa kapayapaan at kaayusan ang pananatili ng NPA sa lalawigan.

Paliwanag ni Supt. Ometer, deputy director for operations ng Agusan del Norte Police Provincial Office (PPO), nagagambala ang mga negosyo sa kapatagan, gayundin ang mga residente sa kanayunan sa pagmamalupit ng mga rebelde.

Aniya, tinalakay din nila ang usapin sa mga opisyal at miyembro ng Provincial Advisory Council (PAC) nitong Biyernes.

Tinukoy din ni Ometer na nakapagsagawa na sila ng siyam na combat operations laban sa NPA, habang aabot naman sa 726 na combat security patrols ang isinagawa ng pulisya, lalo na sa mga liblib at bulubunduking lugar sa lalawigan.