Ni Marivic Awitan
NAGWAGING Rookie of the Year noong nakalipas na season, mistulang isang beterano na lumaro si Roger Pogoy para sa TNT Katropa nang bayuhin nila ang Blackwater Elite maging ang kanilang sister team Meralco upang makasalo sa third spot ng Alaska Aces sa 2018 PBA Philippine Cup.
Nagtala si Pogoy ng average na 19.5 puntos, 6.0 rebounds, 2.0 assists at 1.0 steal sa nasabing dalawang panalo ng TNT na naging dahilan upang mapili siyang PBA Press Corps Player of the Week.
Nag -init ang mga kamay ng Cebuano hotshot kontra Elite, partikular sa third canto kung saan niya isinalansan ang walo sa kanyang 24-puntos na output off the bench para burahin ang pitong puntos na lamang ng kalaban at ibigay sa TNT ang bentahe 65-57 papasok ng final canto.
Hindi na nila binitawan ang pangingibabaw maiposte ang hanggang 92-83 , panalo. Bukod sa 24-puntos, nagtala rin ang dating Far Eastern University standout ng 8 rebounds, 3 assists at 2 steals sa nasabing panalo.
Kasunod into, nakipagsanib puwersa siya kay Troy Rosario upang pangunahan ang TNT sa paggapi sa Meralco, 99-81.
Nagposte ang 25-anyos na si Pogoy ng 15 puntos, 4 rebounds, at 2 steals sa nasabing panalong nag -angat sa kanila sa markang 3-2.
Tinalo ni Pogoy para sa lingguhang citation ang mga kakamping sina Rosario, Jayson Castro at RR Garcia, KIA guard Rashawn McCarthy at teammate nitong si Glen Khobuntin, Magnolia veteran Rafi Reavis, Alaska forward Vic Manuel at Sonny Thoss, San Miguel center June Mar Fajardo at Arwind Santos at GlobalPort guard Sean Anthony.