Ni Rizaldy Comanda

BAGUIO CITY – Pansamantalang sinuspinde nitong Sabado ng gabi ng Protected Areas Management Board (PAMB) ng Mount Pulag ang lahat ng hiking at trekking activities sa isa sa pinakamatataas na bundok sa bansa.

Ayon kay Office of Civil Defense Cordillera (OCD-CAR) Information Officer Ivy Carasi, sinuspinde ang lahat ng “hikes and treks at Mt. Pulag” dahil sa “forest fire affecting all camp sites and peaks at the grassland”.

Sinabi ng OCD na kaagad na pinababa sa ranger station sa Babadak ang lahat ng turista at trekker sa bundok para sa kaligtasan ng mga ito.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Pinabalik din kaagad ang mga nagsisimula pa lang na umakyat at sinabihan tungkol sa suspensiyon ng lahat ng aktibidad sa Pulag.

Nakasaad pa sa advisory na walang papapasukin sa lugar, at ang mga turista ay papupuntahin na lamang sa apat na lawa sa bayan ng Kabayan, malapit sa munisipalidad ng Bokod.

Kasabay nito, sinabi ni Carasi na kinumpirma ng mga awtoridad na walang sinumang turista o hiker ang na-stranded sa Pulag.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa butane gas stove na bitbit ng isang hiker. Sabado ng gabi pa naapula ang pagliliyab, at nagsimula na ang masusing pagsisiyasat sa insidente.