Ni Marivic Awitan

NAUNGUSAN ng College of St. Benilde ang Arellano University sa penalty shootout upang maitarak ang 3-2 panalo at angkinin ang kampeonato sa NCAA Season 93 men’s football tournament nitong Miyerkules sa Rizal Memorial pitch.

Nagawang maharang ni goalie Jake Vicen ang attempt ni Roberto Corsame, Jr. sa shootout upang tulungan ang Blazers sa ‘do-or-die’ match at angkinin ang unang titulo sa nakalipas na walong taon at ikaapat sa kabuuan.

Ang panalo ang ikalawa para kay coach Marlon Maro, mula ng maupo ito noong 2003.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“The players deserve this championship,” ani Maro.

Nakalamang ang Blazers matapos ang goal ni Miguel Alfonso Artillera sa 38th-minuto bago ito naitabla ni Corsame, dating national under-23 standout, tatlong minuto pagkasimula ng second half.

Mula roon, hindi na nakagoal ang magkabilang panig hanggang muling umabot ang laro sa penalty shootout.

Nabigo si Earl Real Laguerta ng CSB sa kanyang attempt, na nagbigay daan upang makalamang ang Chiefs, 2-1 sa shootout, ngunit di na nakaiskor pa ang mga nalalabing strikers nila habang nag deliver naman para sa Blazers sina Renz Joseph Tulayba at Major Dean Ebarle.

Naging dikdikan ang natapos na series dahil lahat ng laro ay umabot ng extra time at nagwakas sa penalty shootouts.

Nakauna ang Arellano sa series opener, 3-2, bago winalis ng CSB ang Game Two at Game Three.