Untitled-1 copy

Lakers, naparalisa sa kamandag ng Hornets.

LOS ANGELES (AP) — Kumubra si Kemba Walker ng 19 puntos at pitong assists para sandigan ang Charlotte Hornets sa matikas na kampanya sa road game at maitala ang unang back-to-back win mula ng Thanksgiving matapos dominahin ang Los Angeles Lakers, 108-94, nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Nag-ambag si Jeremy Lamb ng 17 puntos, habang kumana si Marvin Williams ng 16 puntos para sa Hornets, nagwagi ng tatlo sa apat na laro sa California at naiganti ang kabiguan sa Lakers sa nakalipas na buwan.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Anim na Hornets ang nakaiskor ng double digits.

Nagbalik aksiyon ang na-injured na si Lonzo Ball, ngunit nakapagtala lamang ito ng 11 puntos at limang assists.

Nanguna si Brandon Ingram na may 22 puntos at career-high 14 rebounds. Laglag ang Los Angeles sa 1-12 mula nang manalo sa Charlotte nitong Dec. 9. Tangan ng Lakers ang 11-27 karta sa laylayan ng Western Conference.

Hataw si Dwight Howard sa Hornets na may 15 puntos at 10 rebounds.

CELTICS 91, WOLVES 84

Sa Boston, inalisan ng Celtics nang pangil ang Timberwolves para masikwat ang ikalimang sunod na panalo at ikaanim sa huling pitong laro.

Ratsada si Marcus Smart sa naiskor na 18 puntos, habang kumana si Kyrie Irving ng 16 puntos, siyam na rebounds at walong assists. Nag-ambag sina Terry Rozier ng 14 puntos, Aron Baynes na may 11 puntos at Jaylen Brown na tumipa ng 11 punto.

Nanguna si Karl-Anthony Towns sa Timberwolves sa nasungkit na 25 puntos at career-high 23 rebounds, hagang kumana si Jimmy Butler ng 14 puntps at tumipa si Jamal Crawford ng 13 puntos.

BLAZERS 110, HAWKS 89

Sa Portland, Oregon, natusta ng Portland Trail Blazers, sa pangunguna ni CJ McCollum na may 20 puntos, ang Atlanta Hawks.

Nagsalansan si Damian Lillard ng 14 puntos para sa Blazers at tuldukan ang three-game losing streak laban sa Hawks sa Moda Center.

Nanguna si Dennis Schroder sa Hawks na may 14 puntos. Naghabol ang Atlanta sa 25 puntos na abante ng Portland tungo sa kanilang ikatlong kabiguan sa huling apat na laro.

Umusad ang Blazers sa 20-12 matapos ang 12-2 run sa opening half, nakadikit ang Atlanta sa 45-43, ngunit tuluyang natupok ng Blazers sa third period.

SPURS 103, SUNS 89

Sa San Antonio, kumana ng tig-21 puntos sina Kawhi Leonard at Manu Ginobili sa panalo ng Spurs kontra Phoenix Suns.

Nasamahan ni Ginobili si Vince Carter sa listahan ng player na may edad 40 na nakaiskor ng 20 puntos o higit pa mula sa bench.

Sumabak ang Spurs na wala sina LaMarcus Aldridge, pinagpahinga ni coach Greg Popovich, at Danny Green, na may injury sa paa.

Kumana si Devin Booker ng 21 puntos para sa Suns, habang tumipa si Marquese Chriss ng 12 puntos.

BULLS 127, MAVS 124

Sa Dallas, naitala ni Kris Dunn ang career-high 32 puntos, habang tumipia si Justin Holiday ng 23 puntos para sandigan ang Chicago Bulls kontra Mavericks.

Nag-ambag si rookie Lauri Markkanen ng 16 puntos para sa Bulls.

Nanguna si Wesley Matthews sa Dallas sa natipang 24 puntos, habang kumana si Harrison Barnes ng 23 puntos. Kumana si Dirk Nowitzki ng 19 puntos.