Ni Joseph Jubelag

ISULAN, Sultan Kudarat – Ipinaaaresto ng regional trial court (RTC) sa Isulan, Sultan Kudarat ang alkalde ng bayan ng Palimbang, na una nang kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives.

Nagpalabas ng arrest warrant si RTC Judge Renato Gleyo laban kay Palimbang Mayor Abubacar Maulana, na kinasuhan sa pag-iingat ng baril at granada.

Hindi nagrekomenda ng piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng mayor, na tinutugis pa rin hanggang ngayon.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Kinasuhan ng pulisya ang alkalde makaraang makumpiskahan ng granada at baril nang salakayin ng mga awtoridad ang bahay nito sa Barangay Kolong-Kolong sa Palimbang noong Oktubre 12, 2017.

Ayon kay Sultan Kudarat Police Provincial Office director Senior Supt. Raul Supiter, ikinasa ang raid batay sa intelligence information na nag-uugnay kay Maulana sa Ansar Khilafah Philippines terror group.

Una nang napaulat na tumatanggap umano ng pondo mula kay Maulana ang napatay na lider ng grupong terorista, na nakaanib sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

Matatandaang iginiit noon ni Maulana na pulitika ang nasa likod ng mga kasong isinampa laban sa kanya.