Utah Jazz, pumiyok sa Warriors; Rondo, humirit ng record 25 assists.

CALIFORNIA (AP) -- Winasiwas ng Golden State Warriors ang Utah Jazz sa third period para mahila ang dikitang laban sa dominanteng 126-101 panalo nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

jordan-bell copy

Mula sa 48-47 bentahe sa halftime, humaribas ang bagsik ng Warriors sa ibinabang 20-5 run para higitan ang Jazz sa 42-22 iskor sa third period at itarak ang 21 puntos na bentahe tungo sa final quarter.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Malupit din ang reserves ng Warriors na nagpatuloy sa pananalasa sa krusyal na sandali para mahila ang abante sa 30 puntos tungo sa ikalawang sunod na panalo.

Anim na Warriors ang umiskor ng double figures para sa Golden State (28-7), sa pangunguna ni Kevin Durant na may 21 puntos, habang kumubra si Pat McCaw ng season-high 18 puntos mula sa bench. Kumana sina Klay Thompson at Nick Young ng tig-15 puntos, habang nag-ambag si Draymond Green ng 14.

Tumapos si Omri Casspi na may 10 puntos, bago nasideline bunsod ng sprained sa kanang paa.

Nanguna si Rodney Hood sa Utah (15-21), nattalo sa ikatlong sunod na laro, tangan ang 26 puntos, habang humirit sina Donovan Mitchell at Derrick Favors ng tig-17 puntos.

KINGS 109, CAVS 95

Sa Sacramento, California, nagbalik-aksiyon si Vince Carter at kumana ng season-high 24 puntos para sandigan ang Kings kontra Cleveland Cavaliers.

HIndi nakalaro si Carter sa huling tatlong laban ng Kings bunsod ng injury sa tadyang. Sa kanyang pagbabalik, pinahirapan niya ang Cavs sa impresibong 10-of-12 shooting.

Nag-ambag si Willie Cauley-Stein ng 17 puntos at siyam na rebounds para sa Sacramento,habang tumipa si Bogdan Bogdanovic ng 16 puntos at walong assists at humugot si Zach Randolph ng 14 puntos at pitong boards.

Galing ang Cleveland sa masakit na 99-92 kabiguan sa kamay ng Golden State Warriors sa Araw ng Pasko.

Ito ang unang pagkakataon mula noong Oct. 25-Nov. 1 na nagtamo ng magkasunod na kabiguan ang Cavaliers. Naputol din ang 26-game streak ng Cavs na may oskor na 100 o higit pa.

Kumasa si LeBron James sa naiskor na 16 puntos, 10 rebounds at 14 assists, habang umiskor si Kevin Love ng 23 puntos.

GRIZZLIES 109, LAKERS 99

Sa Los Angeles, dinurog ng Memphis Grizzzlies , sa pangunguna ni Tyreke Evans na umiskor ng 32 puntos, ang Los Angeles.

Nag-ambag si Jarell Martin sa naisalansan na 20 puntos para sa Grizzliez at tuldukan ang limang sunod na kabiguan.

Naisalpak ni Tyson Chandler ang alley-oop’s dunk may 0.4 segundo ang nalalabi.

Humirit sina Andrew Harrison at Deyonta Davis ng 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Kumawala sa Lakers si Brandon Ingram sa natipang 23 puntos, habang nag-ambag sina Jordan Clarkson at Kentavious Caldwell-Pope na may ti-16 puntos.

Malamya ang opensa ng Lakers sa natipang 37.6 percent sa field at nalimitahan si rookie Kyle Kuzma sa 4-of-24 sa field.

THUNDER 124, RAPTORS 107

Sa Oklahoma City, ratsada si Russell Westbrook sa nakubrang 30 puntos, 13 assists ay walong rebounds, sa panalo laban sa Toronto Raptors. Nakopo ng Thunder ang ikalimang sunod na panalo.

Nagsalansan si Paul George ng 33 puntos para sa Oklahoma City (12-3) sa buwan ng Disyembre. Umiskor sina Carmelo Anthony at Steven Adams ng tig-18 puntos.

Nanguna sa Raptors sina C.J. Miles na may tig-21 puntos. Tumapos si Jonas Valanciunas ng 26 puntos at kumubra si DeMar DeRozan ng 15 puntos.

PELICANS 128, NETS 113

Sa New Orleans, naitala ni Rajon Rondo ang franchise record at career-high 25 assists, sa panalo ng Pelicans kontra Brooklyn Nets.

Hataw si Anthony Davis sa naiskor na 33 puntos, 11 rebounds at anim na blocks. Nag-ambag si DeMarcus Cousins ng 27 puntos at 14 rebounds, at kumasa si Jrue Holiday sa natipang 23 puntos para sa Pelicans.

MAVS 98, PACERS 94

Sa Indianapolis, Nanguna si Dirk Nowitzki sa naiskor na 15 puntos, habang naisalpak ni Harrison Barnes ang tiebreaking free throw may 37.7 segundo sa laro.

Komunekta si Nowitzki, career leading scorer ng Dallas at lumalaro sa ika-20 season, nang anim na puntos sa final period para sandigan ang Mavericks sa ikatlong panalo sa 17 road games.

Umiskor sina Barnes at Yogi Ferrell ng tig-13 puntos.

Nanguna sa Indiana sina Lance Stephenson, Myles Turner at Darren Collison na may tig-16 puntos.

Sa iba pang laro, nagsalansan si Kyrie Irving ng 21 puntos para sandigan ang Boston Celtics sa 102-91 panalo kontra Charlotte Hornets; dinagit ng Atlanta Hawks ang Washington Wizards; ginapi ng Chicago Bulls ang New York Knicks, 92-87; tinalo ng Timberwolves ang Denver Nuggets, 123-112.