Ni Marivic Awitan

TALIWAS sa mga umuugong na mga balita at usap -usapang hindi na lalaro para sa Pocari Sweat ang kanilang ace spiker na si Myla Pablo, nilinaw ng kanyang kampo na mananatili sa Lady Warriors ang dating National University standout.

Nagsimula ang mga usap -usapan nang mag post sa kanyang Twitter account si Pablo na nakasuot ng Philips Gold jersey na uniporme nila noong naglalaro pa ang koponan sa Philippine Super Liga bago lumipat ng Premier Volleyball League at nagpalit ng pangalan bilang Pocari Sweat.

Batay sa pahayag ng kinatawan ng ahensiyang Virtual Playground kung saan kabilang si Pablo, mananatili ito sa Pocari.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tiniyak ng kampo ni Pablo na pangangatawanan nito ang kanyang nilagdaang kontrata sa Pocari.

Noong isang taon, pumirma si Pablo ng limang taong kontrata sa Pocari .

Pinangunahan nito ang Lady Warriors tungo sa 2017 Reinforced Conference title at tinanghal na Finals MVP. Sa sumunod na Open Conference kung saan siya rin ang MVP, tumapos na runner-up ang Lady Warriors.