NI: Bert de Guzman
MAGING sa Supreme Court pala ay may umiiral ding “bakbakan”. Nalantad ito sa publiko nang dumalo sa pagdinig ng House committee on justice si SC Associate Justice Teresita Leonardo de Castro. Doon ay tandisan niyang inakusahan si SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa pagsasaisang-tabi ng en banc decisions ng SC.
Binanggit ni De Castro na kinuwestiyon niya ang umano’y unilateral issuance ni Sereno ng Administration Order No. 1752012 hinggil sa pagbuhay ng Regional Court Administration Office-7 o RCAO-7 sa Cebu City. Sa harap ng komite, na pinamumunuan ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, ganito ang kanyang pahayag: “The Chief Justice cannot create an office. It is a legislative power. What she did, it appears she created a permanent office. Even it was created by the court, it was a pilot project, it is an ad hoc body. It has no permanency.”
Sinabi ni De Castro na ipinatupad ni Sereno ang direktiba nang walang pagsang-ayon ang en banc. Lumikha rin umano si Sereno ng Judiciary Decentralized Office at itinalaga si Geraldine Econg bilang hepe ng tanggapan, taliwas sa desisyon ng 2006 en banc na nagtatalaga ng Court Administrator bilang implementor ng RCAO pilot project. Hinihintay ng taumbayan ang kasagutan ni CJ Sereno sa mga pahayag ni De Castro, na isa rin palang nominee sa pagka-Chief Justice noon.
Kung may bakbakan sa SC na kinasasangkutan ng dalawang babaeng Mahistrado, nagbabakbakan din ang mga tropa ng gobyerno at mga tauhan ng New People’s Army. Pinutol na ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang pakikipag-usap ng kapayapaan sa CPP-NPA-NDF sapagkat wala raw namang sinseridad ang kilusang komunista sa hangaring magtamo ng kapayapaan sa Pilipinas.
Inakusahan ni PRRD ang kilusan na pinamumunuan ni Joma Sison na habang may negosasyon, walang lubay naman sa pananambang ang NPA rebels sa mga kawal, pulis, sibilyan at panununog ng heavy equipment ng construction companies sa iba’t ibang dako ng bansa. Dahil dito, nagalit si Joma Sison, inakusahan si Mano Digong bilang isang terorista at pasista, at iniutos sa NPA na paigtinging muli ang pakikipaglaban sa mga kawal at pulis ng Pangulo.
Batay sa ulat na lumabas noong Huwebes, 15 NPA, kabilang ang 5 babae, ang napatay sa dalawang magkahiwalay na engkuwentro sa Nasugbu, Batangas noong Martes. Dalawang iba pa ang sugatan. Nakasagupa ng magkasanib na puwersa ng Air Force 730th Combat Group at ng Batangas at Nasugbu police ang mga NPA sa Sitio Pinamintasan.
Nagbigay ng isang rosaryo si Pope Francis kay Sen. Leila de Lima na nakakulong ngayon sa Camp Crame dahil sa kasong illegal drug trade. Nangangahulugan na may simpatiya ang Santo Papa sa senadora na dating Secretary of Justice.
Nang mabalitaan ito ni PDu30, sinabi niyang marahil ay hindi batid ni Pope Francis ang rekord ng nakakulong na si Delilah, este De Lima. Ipakikita raw niya kay Lolo Kiko ang sex video ni De Lima katalik ang kanyang driver-bodyguard-lover. Anyway, kumambiyo si Mano Digong at sinabi niyang nagbibiro lang siya kay Pope Francis.