Ni MARY ANN SANTIAGO

Sugatan ang isang babaeng pasahero dahil sa pagmamadaling makababa mula sa sinasakyang bagon ng Metro Rail Transit (MRT)-Line 3 na biglang umusok habang bumibiyahe sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Napaiyak pa dahil sa labis na takot ang 55-anyos na pasahero na nagtamo ng mahabang galos sa kanang binti matapos na masabit habang nagmamadaling bumaba mula sa umuusok na tren.

Ayon kay Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez, nangyari ang insidente dakong 10:10 ng umaga nang biglang umusok ang bagon ng tren sa tapat ng Nepa Q-Mart, habang bumibiyahe ito pa-northbound, mula sa Cubao patungong Kamuning Station.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Tumagal ng ilang minuto ang pag-usok ng tren, kaya napilitan ang mga pasahero na buksan ang mga bintana upang hindi sila ma-suffocate sa loob, habang ilan sa kanila ang nag-iiyakan na sa takot.

Kaagad namang umaksiyon ang operator ng tren at pinababa ang mga pasahero, na walang nagawa kung hindi ang maglakad sa gilid ng riles patungo sa pinakamalapit na istasyon.

Kaagad ding itinawag ni PO1 Paul Jason Torres, ng Quezon City Police District (QCPD), ang insidente sa Bureau of Fire Protection (BFP), na mabilis namang rumesponde.

Dahil sa insidente, nilimitahan ng MRT-3 ang biyahe nito mula sa Shaw Boulevard hanggang Taft Avenue Stations.

Naibalik lamang sa normal ang biyahe ng tren makalipas ang isang oras, o pagsapit ng 11:10 ng umaga.

Kaagad namang humingi ng paumanhin ang Department of Transportation (DOTr) sa mga naapektuhang pasahero, at tiniyak na masusi nitong iniimbestigahan ang sanhi ng pag-usok ng bagon.

Batay sa service status report ng MRT-3, nabatid na nitong nakaraang linggo lamang ay 15 beses na nagkaaberya ang biyahe ng mga tren nito.