IGINIIT ng grupo ng mga jeepney operator at driver, ang Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) nitong Lunes na nagtagumpay ang ikinasa nilang tigil-pasada, dahil 90 porsiyento ng 300,000 public utility vehicle (PUV) sa bansa ang sumali sa transport strike.
Ayon sa kanila, 92 porsiyento ng 60,000 jeepney sa Metro Manila ang hindi pumasada. Sinabi ng mga opisyal ng PISTON na naging matagumpay din ang tigil-pasada sa Nueva Vizcaya, Bulacan, Butuan City, at Cavite (100%); gayundin sa Pampanga (98%); sa Laguna, Davao, Rizal, at Albay (95%); sa Camarines Sur (90%); sa Masbate (80%); sa Baguio City (75%); sa Surigao City (60%); at sa Cebu City (50%).
Ngunit sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bahagyan nang nakaapekto ang tigil-pasada. “Only .011 percent of 10 million commuters were affected,” ayon sa MMDA. Sinabi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mayroon lamang 20-50 nagprotesta sa Metro Manila, Centra Luzon, Zamboanga Peninsula, at Socsksargen. Naglaan naman ang pamahalaan ng mga truck at iba pang sasakyan upang magbigay ng libreng sakay sa mga mai-stranded na pasahero.
Base sa kapwa iginigiit ng magkabilang panig—na nagkataong magkataliwas—mistulang hinugusgahan nila ang tagumpay ng tigil-pasada batay sa perhuwisyong idinulot nito sa mga pasahero. Naniniwala kaming ang tunay na layunin ng protesta ay ang ipanawagan na muling pag-aralan ng gobyerno ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) nito na puntiryang palitan ang mga jeepney na 15 taon na pataas ng mga sasakyang pinagagana ng makinang hindi masyadong nagdudulot ng polusyon at nakakabitan ng mga CCTV camera, automatic fare collection system, dashboard cam, at WiFi.
Sinabi ng mga opisyal ng PISTON sa unang araw pa lamang ng tigil-pasada na hangad nilang makipagdayalogo kay Pangulong Duterte tungkol sa pangamba nilang mawawalan ng pagkakakitaan ang maraming driver at operator sa pagpapatupad ng modernization plan. Masyadong magastos ang nasabing programa, anila. Walang kakayahan ang maliliit na operator na mabayaran ang ipauutang sa kanila upang makapagpalit ng bagong ipamamasada. Dagdag nila, hindi dapat na isailalim ng gobyerno sa modernisasyon ang pampublikong transportasyon upang paboran lamang ang malalaking kumpanya at mga monopolyo na magkakaloob ng mga bagong sasakyan na papalit sa mga lumang jeep.
Sakaling makaharap nila si Pangulong Duterte at makumbinse ito, kasama si Transportation Secretary Arthur Tugade na muling pag-aralan ang programa, masasabing nagtagumpay ang kanilang tigil-pasada. Kung mahihimok nila ang gobyerno na dagdagan ang ayudang ipagkakaloob sa kanila, partikular sa pondo, at sa pagbabawas ng requirements na tulad ng CCTV camera at WiFi, tiyak na labis itong ikatutuwa ng mga operator at driver ng jeepney.