Nina FRANCIS WAKEFIELD at FER TABOY, May ulat nina Argyll Geducos at Mary Ann Santiago

Kinumpirma kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Eduardo Año na pitong terorista ang napatay sa Marawi City, kabilang ang mga leade ng Maute Group na si Omarkhayam Maute at ang pinuno ng Abu Sayyaf Group (ASG) na si Isnilon Hapilon, kasunod ng ground assault ng militar sa main battle area sa siyudad kahapon ng madaling araw.

Sa panayam sa telepono, sinabi ni Año na bukod sa mga bangkay nina Hapilon at Maute ay may limang bangkay ng terorista pa silang narekober, bagamat hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.

Kasabay nito, kinumpirma rin ng AFP ang pagkakaligtas sa 17 bihag ng mga terorista kasunod ng apat na oras na matinding bakbakan, na sumiklab bandang 2:00 ng umaga.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

SIMULA NG WAKAS

“It’s an early morning encounter. Actually ang purpose ng tropa natin is to rescue the hostages,” sabi ni Año. “Kasi naipon na natin sila sa isang block lang, dalawang buildings ‘yung kinalalagyan, so ‘yung mga hostages ang inire-rescue then nagkaroon ng bakbakan doon. So, kasamang napatay ‘yung dalawa.”

Sinabi rin ni Año na tuluy-tuloy ang isinasagawa nilang operasyon dahil may mga nalalabi pang terorista sa Marawi, na tinantiya niya sa “40 na lang”.

“This is the end of this Maute Group. Ibig sabihin nun, ito ‘yung center of gravity nila, crumble na ‘yan lahat,” sabi ni Año. “Malapit na malapit na malapit na talaga ito.”

MARTIAL LAW ‘DI PA BABAWIIN

Kaugnay nito, sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi kaagad na babawiin ang ipinatutupad na batas militar sa Mindanao sa pagkakapatay kina Maute at Hapilon.

“No, we are not talking about lifting martial law yet, tingnan pa natin. We are only looking in the immediate aftermath of the killing of these two leaders. We may see, sabi ko nga, we may be lifting, i mean announcing the cessation of hostilities within this week and then after that we will find out,” ani Lorenzana. “We will assess what the entire Mindanao if there is a need to recommend to the president the lifting of martial law.”

‘BRAVO ZULU!’

Pinuri naman ng Malacañang ang pagkakapatay kina Hapilon at Maute makalipas ang halos limang buwang bakbakan sa Marawi.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na matututukan na ngayon ng gobyerno ang rehabilitasyon ng siyudad.

“Bravo Zulu to the AFP. We look forward to raising Marawi from the ashes of conflict and building in a new era where people from the farthest reaches of this Republic can share in the boon of progress,” saad sa pahayag ni Andanar.

Ang Bravo Zulu, o “BZ”, ay isang naval signal na kumbinasyon ng Bravo at Zulu nautical signal flags. Karaniwan itong ipinahahayag sa pagtataas ng bandila o sa voice radio at nangangahulugang “well done” ang isang operasyon, aktibidad, o pagtatanghal.

Isa namang welcome development para kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña ang pagkamatay ng dalawang pasimuno sa Marawi crisis, at sinabing hudyat na ito ng nalalapit nang pagtatapos ng digmaan.

TERORISMO, TULDUKAN

Umaasa rin ang obispo na sa sandaling magtapos ang digmaan sa kanilang lungsod ay magsisimula na agad ang rehabilitasyon sa lungsod upang makabalik na roon ang mga residente at makapamuhay muli nang normal.

Samantala, sinabi naman ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na hindi magtatapos ang terorismo sa Mindanao sa pagkamatay nina Hapilon at Maute—iginiit na tanging ang pagbibigay-tuon ng pamahalaan sa edukasyon at pagpapaunlad ng Mindanao ang susi para mahadlangan ang terorismo.