Ni: Bella Gamotea
Muling ipinagpaliban kahapon ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) ang pagbasa ng sakdal laban kay Senador Leila De Lima kaugnay sa kasong drug trading sa New Bilibid Prison (NBP), sa lungsod.
Dakong 7:40 ng umaga umalis ang convoy ni De Lima sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center, sa Camp Crame, Quezon City patungo sa sala ni Muntinlupa RTC Branch 205 Judge Amelia Fabros-Corpuz.
Sinalubong ang senador ng kanyang ilang tagasuporta sa labas ng korte habang isinisigaw ang katagang “pekeng ebidensiya, ibasura”.
Iniutos ni Judge Corpuz sa prosekusyon na una munang magkomento sa nakabinbing mosyon na inihain ng kampo ni De Lima kaya’t iniurong ang pagdinig sa arraignment ng senadora sa Nobyembre 24.