UP Maroons, nakalusot sa bokyang UST Tigers

NATULDUKAN ng University of the Philippines ang three-game skid, habang nanatiling nganga ang University of Santo Tomas Tigers.

Naisablay ni Tigers’ forward Marvin Lee ang three-pointer sa buzzer, sapat para maitakas ng Maroons ang 71-69 panalo kahapon sa UAAP Season 80 basketball tournament second round sa Smart-Araneta Coliseum.

Jun Manzo ng UP Fighting Maroons. (MB photo | Rio Leonelle Deluvio)
Jun Manzo ng UP Fighting Maroons. (MB photo | Rio Leonelle Deluvio)
Matikas na sinimulan ng Fighting Maroons ang second round at nakaulit sa Tigers para sa 4-4 karta. Nanatiling bokya ang Espana-based cagers sa 0-8.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagsalansan si Janjan Jaboneta ng 12 puntos mula sa apat na three-pointer, habang kumana si Jun Manzo ng 11 puntos sa dikitang laro na pumabor ang suwerte sa Maroons.

“This is just too difficult for us because we just needed the win after the three losses that we had,” pahayag ni UP coach Bo Perasol.

“This is something that can at least perk us up and make us believe again that we can still do this. Just imagine what would have happened if we lost this game,” aniya.

Umusad ang Maroons sa 70-64 mula sa putback ni Ibra Ouattara may 1:16 ang nalalabi sa final period, ngunit nagawang makahabol ng Tigers, sa pangunguna ni Lee na kumonekta sa tres para sa 69-70 iskor may 11 segundo sa laro.

Nakakuha ng foul si Manzo, ngunit isa lamang ang naisalpak niya sa free throw, sapat para mabigyan ng pagkakataon ang UST na maagaw ang panalo o maipuwersa ang overtime.

Mabilis ang naging galaw ng Tigers para sa final shots at nakakuha ng tamang puwesto si Lee para maisakatuparan ang minimithing tagumpay ng UST, subalit ang tuwid na tira ay kulang at tumama sa board na hindi naman kinasiyahan ng suwerte na mahulog sa basket.

Nanguna si Lee sa Tigers sa naiskor na 17 puntos, habang tumipa si Jorem Soriano ng 14 puntos.

Iskor:

UP (71) - Jaboneta 12, Manzo 11, Desiderio 10, Ouattara 9, Ju. Gomez de Liano 9, Lim 6, Vito 6, Ja. Gomez de Liano 4, Romero 2, Prado 2, Lao 0, Dario 0, Ricafort 0.

UST (69) - Lee 17, Soriano 14, Sta. Ana 13, Akomo 7, Macasaet 5, Basibas 5, Romero 4, Faundo 2, Huang 2, De Guzman 0, Garcia 0, Caunan 0, Kwawukumey 0.

Quarterscores: 15-17; 40-32; 61-55; 71-69.