Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na ililipat ang U-turn slot at magpapatupad ng iba pang pagbabago sa Commonwealth Avenue, na apektado ngayon sa konstruksiyon ng Metro Rail Transit (MRT)-7.

Ipinahayag ni Emil Llavor, MMDA Road Safety Unit head, na sinimulan na ng mga tauhan ng project contractor na EEI Corporation na okupahin ang ilang lane mula sa center island ng Commonwealth malapit sa Technohub area nang magsimula ang kontruksiyon.

Isa sa mga pagbabago sa lugar ay ang paglilipat sa Tandang Sora ng U-turn slot na malapit sa Technohub area.

Aniya, makararanas ng mas mabagal na daloy ng trapiko ang mga motorista kapag umabot na sa North Avenue at Philcoa ang paghuhukay.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Aayusin din ang loading at unloading areas sa Commonwealth Avenue.

Nangako naman ang contractor na maglalagay ng sariling mga CCTV camera sa lugar at mag-aatas din ng flagmen upang makatulong sa pangangasiwa sa trapiko.

Ang MRT-7 ay isang 22-kilometer rail transit system na mayroong 14 na istasyon na mag-uugnay sa North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose Del Monte City sa Bulacan.

Inaasahang matapos ang proyekto sa huling bahagi ng 2019. - Anna Liza Villas-Alavaren