Ni: Celo Lagmay
HALOS manggalaiti si Pangulong Rodrigo Duterte nang kanyang matunghayan sa closed-circuit television (CCTV) camera ang pagkaladkad at pagpaslang ng mga pulis kay Kian Loyd de los Santos kamakailan. Kagyat ang kanyang reaksiyon na kaakibat ng utos na alamin ang katotohanan sa masalimuot na pagpatay kaugnay ng maigting na kampanya laban sa illegal drugs.
Ang nabanggit na nakakikilabot na eksena ay kaagad kinondena ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, kabilang na ang iba’t ibang religious groups na magkakahawig ang pahayag: Cold-blooded murder. Nangangahulugan na si Kian ay pinaslang nang walang kalaban-laban. May mga pahiwatig na hindi siya isang sugapa sa bawal na gamot at laging nakatutok sa kanyang pag-aaral. Ang lahat ng ito, sa paningin ng marami, ay maituturing na mga personal na pananaw at dapat pang mapatunayan. Ang sinasabing malagim na pagpatay ay isinisisi sa mga alagad ng batas na dapat ay nangangalaga sa ating kaligtasan.
Dahil dito, natitiyak ko na hindi naikubli sa Pangulo ang katotohanan na ang Philippine National Police (PNP) ay talagang pinamumugaran ng ilang bulok na itlog, wika nga; mga utak-pulbura na naging libangan na ang pagkalabit sa gatilyo ng kanilang mga baril. Hindi malayo na ang mga ito ang mistulang sumasabotahe sa matinding kampanya ng Duterte administration sa pagpuksa ng mga bawal na droga. Marami pa ring ‘ninja-cops’ na kasabwat ng mga user, pusher at drug lord sa pagsira ng kinabukasan ng mga kabataan.
Naniniwala ako sa gayong pananaw. Palibhasa’y maraming pagkakataon na ring naging biktima ng pagpapabaya at kalupitan ng ilang alagad ng batas, lagi kong sinusuportahan ang malawakang pagbalasa sa PNP – at sa iba pang ahensiyang panseguridad ng bansa. Hanggang ngayon ay nakaukit pa sa aking kamalayan ang walang-awang pagpaslang sa aking kapatid, kasama ang tatlong iba pa, na sinasabing kagagawan ng mga pulis. Nararamdaman ko pa ang kirot na likha ng naturang patraydor na pagpatay na tinaguriang “noon-time massacre”, maraming taon na rin ang nakalilipas. Ang iba pang kahindik-hindik na detalye ay iniiwasan ko nang sariwain at ang lahat ay ipinaubaya na lamang namin sa Maykapal.
Naniniwala ako sa paninindigan ng Pangulo na ang kanyang suporta... sa mga alagad ng batas, lalo na sa mga pulis na naatasang lumipol sa kasumpa-sumpang illegal drugs, ay magpapatuloy hanggang sa sila ay kaagapay sa paglikha ng isang malinis na gobyerno. Kaakibat ito, sa aking pananaw, ng kanyang mistulang pagkondena sa masasamang gawain ng mga pulis, tulad ng extrajudicial killings (EJK) na ibinibintang ng mga kritiko, lalo na ng Commission on Human Rights (CHR).
Sa kabila ng kabi-kabilang pagkakasangkot ng mga alagad ng batas sa sinasabing tiwaling pagpuksa ng mga adik, hindi dapat umiral ang culture of impunity. Ibig sabihin, ang mga nagkakasala ay dapat usigin kaagad, hatulan at parusahan.
Sabi nga ng Pangulo, ibilanggo kaagad. Kung umiiral na sana ang death penalty, dapat silang isalang sa lethal injection.