Ni: Mary Ann Santiago

Patay ang isang retiradong pulis at kanyang anak nang tambangan at pagbabarilin sila ng mga hindi nakilalang salarin habang sakay sa kanilang kotse at bumibiyahe sa Barangay Hulo, Mandaluyong City, kahapon ng madaling araw.

Naisugod pa sa pagamutan sina retired Chief Insp. Hoover Pascual, dating nakatalaga sa San Juan City Police; at Henrick Pascual, nasa hustong gulang, kapwa taga-Coronado Street, Bgy. Hulo, ngunit nasawi rin bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Masuwerte namang hindi nasugatan ang nobya ni Henrick na si Marigold Remo, na kasama rin ng mag-ama at nakaupo sa backseat ng kotse.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek, na sakay sa puting van na hindi naplakahan.

Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) director Chief Supt. Romulo Sapitula, dakong 1:00 ng umaga at sakay ang mag-ama sa kanilang Mercedez Benz (PJW-733), at binabagtas ang Blumentrit Street, nang biglang dikitan at pagbabarilin ng mga salarin.

Apat na basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang narekober ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa crime scene.

Kaagad namang ipinag-utos ni Sapitula ang masusing imbestigasyon sa ambush.