Ni FER TABOY

Nasamsaman ng mahigit P12 milyon halaga ng shabu ang isang kolehiyala at 46-anyos na kasamahan nito, sa isang drug operation sa Cebu City, kahapon.

Ayon sa report na natanggap ni Chief Supt. Jose Mario M. Espino, kinilala ang mga naaresto na sina Mheacy Empasis, 23, education student sa University of Cebu, at level 2 drug personality; at Trinidad Lumactud, 46, ng Barangay Tisa, Cebu City.

Batay sa imbestigasyon ng Cebu City Police Office (CCPO), nadakip ang mga suspek sa Bgy. Tisa matapos isailalim sa surveillance ng mahigit dalawang buwan.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Sa operasyon, nakabili umano ang mga tauhan ng City Intelligence Branch (CIB) ng CCPO ng P50,000 halaga ng ilegal na droga mula kay Empasis.

Sa pagkapkap sa mga suspek, nadiskubre pa ang nasa 1,075 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng P12.6 milyon, mula kina Empasis at Lumactud.

Sinabi ni Chief Insp. Christopher Navida, hepe ng City Intelligence Branch, na may koneksiyon si Empasis sa isang bilanggo sa Cebu City Jail.