NI: Celo Lagmay

KAHIT na ano ang sabihin ng sinuman, naniniwala ako na ang pasiya ng Philippine Sports Commission (PSC) hinggil sa pag-atras o pagtangging maging host country ang Pilipinas sa 2019 Southeast Asian Games (SEAG) ay nasa wastong direksiyon. Nakaangkla ang aking mga argumento sa nakalululang gastos sa pagtataguyod ng regional sports competition at sa walang katiyakang seguridad na gumagambala sa ating bansa.

Daan-daang milyong piso ang dapat ilaan ng gobyerno at ng mga sports organization sa naturang kompetisyon na nilalahukan ng mga bansang Asyano; libu-libong manlalaro at sports officials ang dapat nating asikasuhin sa kanilang pagtungo sa ating bansa.

Kinakatigan ko ang pasiya ng PSC na ang anumang halagang ilalaan sa nabanggit na sports fest ay iukol na lamang sa rehabilitasyon ng naturang siyudad at sa pangangailangan ng mga biktima ng digmaan; wasak ang lungsod at ang mga mamamayan ay nagdurusa pa sa iba’t ibang evacuation centers. Ang pondo para rito ay maidadagdag sa P10 bilyong inihahanda ng Duterte administration para sa pagbabagong-anyo ng Marawi City.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Isa pang dapat isaalang-alang sa ating pag-atras bilang host country ay ang mabuway na kalagayan ng ating seguridad, lalo pa nga at ang naturang kompetisyon ay nakatakdang idaos sa Davao City. Nakababahala pa rin ang Marawi war at hindi malayo na ito ay magbigay-panganib sa ating mga panauhing atleta.

Hindi isang kahihiyan ang pagtanggi nating itaguyod ang nasabing paligsahan. Aminin natin na bukod sa kakulangan ng pondo, hindi sapat ang ating preparasyon sa iba’t ibang larangan ng palakasan. Sa 10 bansang naglalaban, hindi man lamang tayo napabilang sa ‘Top 3’; lagi tayong nangungulelat sa paramihan ng nahahakot na medalya. Noong nakaraang SEAG, halimbawa, tila isang gold medal lamang ang ating nasungkit.

Totoo na makatuturan ang paglahok natin sa iba’t ibang sports competition hindi lamang sa SEAG kundi maging sa Olympic games. Kailangan nating laging naitatampok sa sports world map dahil sa kahusayan ng ating mga atleta. Hindi natin malilimutan sina Lydia de Vega, Elma Muros at iba pa na nagpamalas ng kahanga-hangang kahusayan sa kani-kanilang larangan ng palakasan.

Subalit iba ang sitwasyon ngayon. Palibhasa’y may maalab na pagmamalasakit sa ating mga kapatid na biktima ng digmaan, naniniwala ako na ang pagbuhos ng pondo – hindi lamang ang ilalaan sana sa SEAG kundi maging sa iba pang hindi gaanong mahalagang okasyon – ay dapat lamang maging top priority ng administrasyon. At ito ay pabilisin sa ngalan ng Marawi war victims.