Ni Edwin Rollon
PSC, nanindigan sa pag-atras sa SEAG hosting.
NANINDIGAN si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa desisyon na bawiin ang suporta sa 2017 hosting ng Southeast Asian Games (SEAG) at ilaan ang pondo ng pamahalaan sa rehabilitasyon ng nawasak na Marawi City.
Kasabay nito, iginiit ni Ramirez na hindi napapanahon ang pakikipagtambalan ng pamahalaan sa Philippine Olympic Committee (POC). Higit at magpahanggang sa ngayon ay hindi pa nareresolba at may batik ng kontrobersya at korapsyon ang Philippine SEA Games Organizing Committee (Philsoc) at Bacolod SEA Games Organizing Committee (Basoc) na siyang nangasiwa sa 2005 SEAG hosting.
Ang Philsoc ay pinamumunuan noon ni four-time POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco, habang ang Basoc ay pinangasiwan ni dating Bacolod City Mayor Monico Puentevella.
“May mga bagay din na dapat pang ayusin sa POC, like sa hosting noong 2005. Meron pa silang dapat sagutin sa CoA,” pahayag ni Ramirez.
“For us to do 2019 at hindi pa naman na-resolve yung 2005, mahirap ‘yun,” aniya.
Batay sa huling desisyon ng Commission on Audit, pinagbabayad ng pamahalaan si Cojuangco ng P27 milyon mula sa unliquidated expenses ng Philsoc, habang sinampahan ng kaso sa Ombudsman si Puentevella bunsod ng kabiguan na maliquidate ang P37 milyon na gastos ng Basoc.
Muling nakipagpulong si Ramirez kay Executive Assistant Salvador Medialdea nitong Huwebes para klaruhin sa Malacañang ang posisyon at aniya’y kinatigan ang naunang desisyon na bawiin ang suporta sa 2019 SEAG hosting.
Hinimok naman ni Ramirez ang lahat ng sports leader na magkaisa at kung may sapat na kakayahan ang POC ay hindi magiging sagabal ang PSC sa kanilang hosting.
“While it is sad and painful not to host the SEA Games, naabutan talaga ng problema,” pahayag ni Ramirez.
“Una, pumutok ‘yung Marawi, so gagamitin namin ‘yung pera,” aniya.
Sa ginanap na general assembly ng POC nitong Miyerkules, nanindigan ang POC na ituloy ang hosting at gagawin umano nila ito sa tulong ng pribadong sector. Sa kabila nito, inutusan ni cojuanco si POC Secretary General Steve Hontiveros na makahingi ng ‘audience’ kay Pangulong Duterte upang maipaliwanag ang kahalagan ng SEAG hosting sa imahe at kabuhayan ng bansa sa aspeto ng turismo.
Ikinasiya naman ni Ramirez ang naging desisyon ng POC at sinabing napapanahon na matuto ang Olympic body at iba pang sports leader na makagawa ng paraan at hindi lamang umasa sa pondo ng pamahalan.
“If you do not have that honest picture, how can you lead sports?” pahayag ni Ramirez.
“If you are a good leader, you can attract money and support from the private sector. You do not have to worry about money from the government.”
“Sabi ng Presidente, walang committee-committee diyan. Tayo ang masusunod diyan kasi nasa atin ang pera.”
Sinabi naman ni PSC Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez, na ang pamimilit ni Cojuangco na matuloy ang hosting sa Pilipinas ay bahagi lamang ng kanyang kampanya para makuha ang presidency ng SEA Games Council.
“Gustong magpa-pogi (Cojuangco). Kung ang Brunei na napakayaman ay nagawang umatras bakit parang big deal para sa atin?” aniya.