Ni: Bert de Guzman

BUKAS (Hulyo 24), ilalahad ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang tunay na kalagayan ng bansa o ang State of the Nation Address (SONA). Ito ang ikalawa niyang SONA matapos ihalal ng 16.6 milyong Pilipino na bumilib sa kanyang mga pangako noon, tulad ng pagsugpo sa illegal drugs sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, pagputol sa sungay ng kurapsiyon sa mga ahensiya ng gobyerno, paglutas sa problema ng trapiko, pagbuwag sa “endo” o contractualization ng mga manggagawa, pagpapalusog sa ekonomiya, at pagsusulong ng tunay na kapayapaan sa Mindanao.

Hanggang ngayon ay popular pa si Mano Digong sa mga Pinoy. Batay sa surveys ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia, taglay pa niya ang 82% ng pagtitiwala at pagpabor ng mga mamamayan sa estilo ng kanyang pamamahala.

Samakatuwid, walo sa sampung Pinoy ay aprubado ang ginagawa niyang pangangasiwa, gaya ng pagpatay sa mga drug pusher at user, sa kabila ng pagbatikos at protesta ng mga kritiko bunsod umano ng extrajudicial killings na kaakibat ng mga pagpatay.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dahil sa biglaang pagsalakay ng teroristang Maute Group na affiliated sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Marawi City, nagdeklara ng martial law noong Mayo 23 si PRRD sa buong Mindanao. Sang-ayon dito ang malaking bilang ng mga Pilipino sapagkat lubhang mabangis at walang budhi ang mga kampon ng Maute-IS group na pumapatay at namumugot ng ulo maging ng mga ordinaryong sibilyan.

Nais ni Pres. Rody na mapalawig pa ng limang buwan ang martial law sa Mindanao upang ganap na masupil ang mga terorista at bandidong grupo, tulad ng Maute at Abu Sayyaf Group (ASG) ni Isnilon Hapilon, ang itinuturing na Emir ng IS sa Mindanao. Habang isinusulat ko ito, malaki ang posibilidad na pagbibigyan ng Senado at ng Kamara ang kahilingan ng Pangulo. Nawala o napaso na ang 60-araw na bisa ng ML nitong Hulyo 22 subalit may bakbakan pa ring nagaganap sa pagitan ng MG at ng mga tropa ng gobyerno.

Nakalulungkot malamang ang magandang siyudad ng Marawi ay “devastated” ngayon dahil sa airstrikes ng military. Ang makikinis, kanais-nais na mga gusali, bahay, mosque at simbahan ay tadtad ng mga bala at shrapnel. Mahigit sa 200,000 residente ng lungsod ay pawang mga bakwit at naninirahan sa mga tent. May mga nagkakasakit at namamatay dahil sa kalapastanganan ng mga demonyong Maute Group at Abu Sayyaf Group.

Abangan natin ang ipahahayag ni PDU30 sa ikalawang SONA sa gitna ng bakbakan ng mga terorista-tulisan at ng tropa ng gobyerno na marami na ring namatay.

Sana ay ganap nang nasupil ng militar at ng PNP ang Maute habang nagsasalita si Pres. Rody sa magkasanib na sesyon ng Kongreso. Ang grabeng pinsala ng Marawi City ay itinulad sa pinsala at pagkalugmok ng Mosul sa Iraq na sinalakay at pinagharian din ng ISIS.

Nagpahayag ng matinding pagkontra si Jose Ma. Sison (Joma), founder ng Communist Party of the Philippines (CPP), na ang mahaba o pagpapalawig sa martial law ay posibleng makahadlang sa usapang-pangkapayapaan. Mula sa The Netherlands, ganito ang sinabi ni Joma: “A martial law nationwide will certatinly be a declaration of war against the revolutionary movement, It would practically kill peace negotiations.” Anyway, may nagtatanong kung may “say” o kontrol pa si Joma sa kilusang komunista sa ‘Pinas sapagkat parang hindi naman sinusunod ng NPA ang napagkakasunduang ceasefire dahil patuloy silang umaatake at nang-aambus ng mga sundalo at pulis. Sa ngayon, winakasan na ni PRRD ang pakikipag-usap sa CPP-NPA-NDF dahil sa patuloy na pag-atake at pagpatay sa mga pulis. Bakbakan na uli!

Dinalaw si Sen. Leila de Lima ng mga mambabatas ng European Union (EU) sa kulungan sa Camp Crame. Tanong:

“Makatutulong kaya sa kanyang paglaya ang ganitong pagdalaw?” Matagal na ring nakakulong si De Lima, numero unang kritiko ni Mago Digong. Sapul noong Pebrero ay nasa Camp Crame na siya sa kasong illegal drug trade.

Hindi kaya siya magaya kay ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo na dahil sa labis na galit ni ex-PNoy, siya’y under hospital arrest ng ilang taon at hindi napalaya kahit ang mga co-accused ay nakapagpiyansa? Si PRRD ay galit na galit kay Sen. Leila dahil sa pag-iimbestiga sa Davao Death Squad (DDS) na iniuugnay sa noon ay alkalde ng Davao City.

Hindi ito nalimutan ni PDU30 hanggang siya ay nahalal na pangulo. Samantala, si ex-PNoy ay makulong din kaya dahil sa pagkamatay ng 44 SAF commandos noong Enero 25, 2015 sa Mamasapano, Maguindanao?