BOSTON — Siniguro ng Boston na magreretiro si Paul Pierce na isang Celtic.
Ipinahayag ng Celtics management nitong Lunes (Martes sa Manila) na pinalagda nila ng kontrata ang 10-time All-Star para bigyan daan ang kanyang pagreretiro sa koponan kung saan nagsimula ang unang 15 taon ng kanyang NBA career.
Sa pakikipagtambalan kina future hall-of-famer Kevin Garnett at Ray Allen, naibigay ni Pierce ang huling titulo para sa Boston noong 2008 kung saan nakuha niya rin ang NBA Finals MVP. Sa pagtatapos ng nakalipas na season, tahasang sinabi ni Pierce ang pagnanais na magretiro sa Boston Garden, ang koponan na kumuha sa kanya bilang 10th overall pick noong 1998.
Isang season lamang ang layo niya para pantayan ang 16 season ni John Havlicek bilang pinakamatagal na naglaro sa Boston.
"It's an honor to have this opportunity to once again call myself a Boston Celtic," pahayag ni Pierce. "The organization and city took me in and made me one of their own, and I couldn't imagine ending my career any other way.
I'm a Celtic for life."
Ikinagalak ni Celtics manager partner Wyc Grousbeck ang naging desisyon ni Pierce na magretiro na isang Celtic.
"We congratulate Paul on a Hall of Fame career, and look forward to seeing his number raised to the rafters of TD Garden," pahayag ni Grousbeck.
Ang 39-anyos na si Pierce ang nangunguna sa prangkisa ng Boston sa 3-point field goals (1,823), free throws (6,434) at steals (1,583). Ikalawa siya sa likod ni Havlicek bilang all-time leading scorer (24,021).