Ni: Mary Ann Santiago at Fer Taboy
Kontaminadong tubig umano mula sa pitong waterwell ng Medina Rural Water Services Cooperative (Merwasco) sa Misamis Oriental ang sanhi ng diarrhea outbreak sa lugar, na nagresulta sa pagtatae ng 452 katao at pagkamatay ng isa sa kanila.
Ayon sa Department of Health (DoH), mula sa 12 waterwell ng Merwasco ay pito ang natuklasang kontaminado ng E. Coli bacteria.
Dahil dito, pansamantala munang pinutol ang supply ng tubig sa apat na apektadong barangay.
Unang inakala na food poisoning ang dahilan ng diarrhea na bumiktima sa 452 katao sa mga barangay ng Kabug, Maanas, North, at South Poblacion.
Gayunman, lumitaw sa pagsusuri na hindi food poisoning ang dahilan ng pagtatae kundi dulot ng kontaminadong tubig.
Idineklara na ng DoH na kontrolado ng kagawaran ang outbreak at dalawang pasyente na lamang ang kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan.
Pinagpaliwanag na rin ni Provincial Health and Sanitation committee chairperson, Board Member Mercy Grace Acain, ang konseho at ang Merwasco sa nangyaring outbreak.
Kinumpirma ni Acain na ang namatay sa diarrhea ay taga-Bgy. Kabug.
Samantala, nilinaw naman ni Engr. Isagani Bercelona, manager ng Merwasco, na walang nangyaring pananabotahe sa mga tubo ng kanilang pasilidad.