Ni: Mary Ann Santiago

Timbuwang ang hinihinalang carnapper nang makipagbarilan sa awtoridad na nagtangkang umaresto sa kanya sa Pasig City, kahapon ng madaling araw.

Dead on arrival sa ospital si Rico Cagalingan, alyas Momoy, nasa hustong gulang, ng Jenny’s Avenue, Barangay Rosario, Pasig City, dahil sa mga tama ng bala sa katawan habang nakatakas ang kanyang kasama.

Sa ulat ni SPO1 Ricardo Allipatan, ng Pasig City Police, kay Police Chief Supt. Romulo Sapitula, Eastern Police District (EPD) director, naganap ang engkuwentro sa Connecticut Street, Kenneth Road, Bgy. Nagpayong, dakong 3:30 ng madaling araw.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Humingi ng tulong sa awtoridad si Vicente Ramos, taxi driver, dahil sa umano’y pagtangay sa kanyang Kia Pride (ACD-5950) sa Pasig City, dakong 1:00 ng madaling araw.

Nang masilayan ang taxi ng biktima sa Sandoval Avenue, binuntutan ito ng awtoridad at kinorner sa Connecticut St.

Bumaba si Momoy at kanyang kasabwat mula sa taxi, ngunit sa halip na sumuko bumunot ang mga ito ng baril at pinaputukan ang awtoridad.

Hindi naman nagdalawang-isip ang awtoridad na gumanti na naging sanhi ng pagkamatay ni Momoy.