PARIS (AP) — May bagong tennis star na nakatakdang umukit ng bagong kasaysayan sa French Open. Ipagbunyi si Jelena Ostapenko.
Sa edad na 20-anyos, tatanghaling pinakabatang player – sakaling manalo – na nagwagi ng French Open ang Latvian tennis star.
Huling nakagawa ng marka si Gustavo Kuerten sa men’s maind draw noong Hunyo 8, 1997.
Isang unseeded at ranked 47th, nakamit ni Ostapenko ang unang hakbang sa Finals sa kanyang career nang magwagi kontra 30th-seeded Timea Bacsinszky ng Switzerland 7-6 (4), 3-6, 6-3 sa semifinals nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
“Her life is like this: Everything very fast,” sambit ni dating pro Anabel Medina Garrigues, coach ni Ostapenko.
“Hit fast. Walk fast. Talk fast.”
Makakaharap niya sa championship ang beteranong si Simona Halep ng Romania, nagwagi kontra 2016 U.S. Open runner-up Karolina Pliskova ng Czech Republic 6-4, 3-6, 6-3, sa hiwalay na semifinal duel.
Kung si Ostapenko ay nakasisiguro na na makakapasok sa Top 20, nakataya naman ang No.1 ranked sa laban ng No.3 seed at 25-anyos na si Halep.
Ito ang ikalawang French Open finals ni Halep, runner-up kay Maria Sharapova sa Roland Garros tatlong taon na ang nakalilipas.
“I hope this time I can play better,” sambit ni Halep.
Samantala, tiyak na tatabo sa takilya ang labanan nina Rafael Nadal ng Spain at Dominic Thiem ng Austria sa semifinal ng men’s draw.
Target ng Spanish superstar ang ika-10 titulo sa Roland Garros.
Magtutuos naman sina Stan Wawrinka, 2015 champion, at dating No.1 Andy Murray sa hiwalay na semifinal duel.
“I came in playing garbage,” pahayag ni Murray. “You know, I’m the odd one out in the semis.”