France Tennis French Open

PARIS (AP) — Tuluyang isinuko ni Juan Martin del Potro ng Argentina ang dikitang laban para makausad sa susunod na round si No. 1 Andy Murray sa French Open.

Matapos ang makapigil-hiningang duwelo sa unang dalawang set, tila naubusan na nang lakas ang Argentinian star, sapat para matuldukan ni Murray ang laban, 7-6 (8), 7-5, 6-0 nitong Sabado (Linggo sa Manila) sa Roland Garros.

“Too much frustration,” sambit ni del Potro, 2009 U.S. Open champion. “I couldn’t believe I lost that set.”

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Maging si Murray ay hindi makapaniwalang malusutan ang matikas na hamon ng karibal sa duwelo na umabot sa isang oras at kalahati.

“Look, regardless of how someone reacts, necessarily, you still have to expect that they are going to come out and start the (next) set strong,” ayon kay Murray.

Umusad din sa fourth round ang 2015 champion na si Stan Wawrinka matapos pigilan si 28th seeded Fabio Fognini, 7-6 (2), 6-0, 6-2. Nakalinya sa kanya ang magwawagi sa pagitan nina No. 15 Gael Monfils at No. 24 Richard Gasquet.

Nanatili ring buhay ang kampanya nina 2014 U.S. Open champion Marin Cilic, Kevin Anderson at Fernando Verdasco.

Nakasandal naman ang pag-asa ng France kina Alize Cornet at Caroline Garcia na kapwa umusad sa fourth round ng women’s main draw.

Sabak pa rin sina 2014 runner-up Simona Halep at dating No. 1 Caroline Wozniacki.