SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija – Pitong katao ang inaresto ng pinagsanib na mga operatiba ng pulisya, Philippine Army, at Department of Environment and Natural Resources (DENR) habang nagsasagawa ng anti-illegal logging operation sa Carranglan, Nueva Ecija, nitong Sabado ng umaga.
Sa ulat ni Carranglan Police chief Senior Insp. Roberto de Guzman, dakong 8:20 ng umaga nang masabat ng mga awtoridad ang dalawang sasakyan na may lulan umanong mga ipinagbabawal na Narra flitches.
Kinilala ni De Guzman ang mga naaresto na sina Marilyn Jose, 42, ng Taytay, Rizal, may-ari umano sa mga puslit na kahoy; Rizaldy Buenamante, 42, driver ng pick-up truck, at taga-Novaliches, Quezon City; Junel Balanay, 36, driver ng closed van, at residente ng Taytay, Rizal.
Dinakip din ang mga helper na sina Jason Pradas, 27, ng Nabua, Camarines Sur; Jonathan Agban, 29, ng Nabuturan, Compostela Valley; Nilo Palima, 30, ng Taytay, Rizal; at Jaime Obanes, 32, ng Nabua, Camarines Sur.
(Light A. Nolasco)