KIDAPAWAN CITY, North Cotabato – Tatlong pulis ang nasugatan matapos na masabugan ng bomba sa national highway sa Barangay Marbel, Kidapawan City, bandang 2:00 ng hapon kahapon.
Ito ang ikalawang pagsabog na naganap kahapon. Sa ganap na 9:00 ng umaga, dalawang pulis ang nasugatan, kapwa miyembro ng Arakan municipal police station, sa pagsabog ng bomba.
Ayon sa awtoridad, sa ikalawang pagsabog ng bomba ay nasugatan si Police Officer Kenneth Enghon ng Magpet municipal police station, at dalawa pang iba, kabilang ang driver.
Sinabi ng awtoridad na posibleng iisa lamang ang nasa likod ng pambobomba.
Sa isang text message, sinabi ng isang miyembro ng New Peoples’ Army (NPA) Guerilla Front 53 na ang kanilang grupo ang nasa likod ng magkasunod na pambobomba. (Malu Cadelina Manar)