Sampung miyembro ng isang lokal na grupo ng mga bandido ang napatay, habang walong iba pa ang nasugatan sa pakikipagsagupaan sa mga sundalo sa Isulan, Sultan Kudarat nitong Huwebes.
Sinabi ni Lt. Col. Harold Cabunoc, commander ng 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army, na nangyari ang bakbakan bandang 6:30 ng umaga nitong Huwebes sa Sitio Mantisao, Barangay Bual sa Isulan.
Ayon kay Cabunoc, magsisilbi ang kanyang grupo ng search warrant nang pagbabarilin umano sila ng mga armado na nauwi sa engkuwentro.
Isang Kumander Dimas, alyas “Dragon”, ang puntirya ng search warrant.
“The bandits were occupying fortified positions with machinegun emplacements and running trenches. They were ready to confront the security forces,” sabi ni Cabunoc.
Sinabi ni Cabunoc na inaresto ng militar ang bandidong si Abdul Magid Logioman, alyas Black Moro, 41, at kinumpiska mula rito ang isang M653 rifle.
Nasugatan si Sgt. David Desidario, ng Division Recon Company, ngunit kaagad na nalunasan ng Army medics. Stable na ang lagay niya sa isang ospital.
Ayon kay Cabunoc, nagsasagawa ng pangingikil at ilegal na pagmimina ang mga bandido sa lugar. (Francis T. Wakefield)