Cavs, angat sa Celts, nagdiwang sa Garden.

BOSTON (AP) — Hindi kinalawang ang Cavaliers sa mahabang panahon ng paghihintay.

At natikman ng Celtics ang lupit at tikas ng defending NBA champion, sa pangunguna ni LeBron James, na kumana ng 38 puntos, siyam na rebound at pitong assist tungo sa dominanteng 117-104 panalo nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Game 1 ng Eastern Conference Finals.

Nag-ambag si Kevin Love ng playoff career-high 32 puntos at 12 rebound para sandigan ang Cavaliers sa 9-0 karta sa postseason. Matikas ang ratsada nila sa 10-0 sa nakalipas na season tungo sa pagsungkit ng kauna-unahang NBA title.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“It was our two bigs that set the tone — Kev and Double-T (Tristan Thompson), they were phenomenal,” pahayag ni James. “I saw it in Kev this morning. I knew what type of game he was going to have. So he came through for us.”

Ngunit, iginiit ni Cavaliers coach Tyronn Lue na ang katatagan ni James ang nagpapalakas sa Cavs.

“He’s playing at a high level. And that’s the reason why we’re riding him so much,” sambit ni Lue. “When LeBron’s playing at that level other guys just have to be solid and we have a good chance to win.”

Host pa rin ang Boston sa Game 2 sa TD Garden sa Biyernes (Sabado sa Manila).

Higit sa inaasahan ang pagbabalik-aksiyon ng Cavs mula sa 10-araw na pahinga matapos walisin ang semifinal duel laban sa Toronto. Galing naman ang Celtics sa nakakapagod na Game 7 win laban sa Washington Wizards nitong Martes.

“You can’t dig yourself in a big hole like that against them,” pahayag ni Boston coach Brad Stevens.

Nanguna sa Boston sina Avery Bradley at Jae Crowder na tumipa ng tig-21 puntos, habang nalimitahan si Isaiah Thomas sa 17 marker.

“They were the better team tonight. The hit us first. They were more physical,” pahayag ni Thomas. “We can’t let that happen again.”