Pinosasan ang isang lalaki na umano’y nahuli sa aktong nagre-repack ng marijuana sa loob ng nakaparadang jeep sa kasagsagan ng Oplan Galugad ng Makati City Police at Bantay Bayan ng Barangay Guadalupe Viejo sa lungsod, nitong Sabado ng gabi.

Kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon ang suspek na si Dominic Suriao y Santos, nasa hustong gulang, ng Bgy. Guadalupe Viejo.

Base sa ulat, dakong 11:00 ng gabi isinagawa ang operasyon sa Bgy. Guadalupe Viejo at pagdaan ng awtoridad sa Adalla Street, napansin ang kahina-hinalang lalaki sa loob ng nakaparadang jeep (DKU-632) sa lugar.

Nang lapitan ng mga pulis ay nadiskubre nilang nagre-repack ng pinatuyong dahon ng marijuana si Suriao at inaresto.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Narekober kay Suriao ang hindi mabatid na dami ng marijuana, dalawang lighter, bundle ng plastic sachet at dalawang piraso ng transparent tube pipe.

Idiniretso ang suspek sa tanggapan ng Drug Enforcement Unit ng pulisya at ikinulong sa Makati Police at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. (Bella Gamotea)