SAN ISIDRO, Nueva Ecija - Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang mag-asawang retirado na pinatay sa saksak matapos pagnakawan ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Purok 6, Barangay San Roque sa San Isidro, Nueva Ecija.

Sa ulat ng San Isidro Police kay Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Antonio C. Yarra, nakilala ang mag-asawang biktima na sina Eusebio Matias, 69; at Sobrina Matias, 65, kapwa residente sa nasabing lugar.

Isang concerned citizen ang umano’y tumawag sa himpilan ng San Isidro Police bandang 4:30 ng umaga nitong Huwebes makaraang matagpuang duguan at wala nang buhay ang mag-asawa.

Batay sa imbestigasyon, dakong 9:00 ng gabi ng Miyerkules nang dumating ang bisita ng mag-asawa, isang lalaki at isang babae na sakay sa puting kotse, at lumabas pa ng bahay si Eusebio para bumili ng pagkain sa karinderya.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Makalipas ang 30 minuto, sinabi ng mga kapitbahay na nakarinig sila ng malakas na pagtawag ng paghingi ng saklolo sa pangalan ni Eusebio hanggang sa namataan ang nagmamadaling pag-alis ng mga suspek.

Nagtamo ng maraming saksak sa katawan ang mag-asawa, at pinalo pa ng matigas na bagay sa ulo si Sobrina, na nawawala rin ang mga alahas. (Light A. Nolasco)