WALANG makapagpapasinungaling na ang pagdaraos ng usapang pangkapayapaan sa ating bansa ay isang higanteng hakbang tungo sa pagkakaroon ng tunay na katahimikan. Sa unang pagkakataon sa loob ng 31 taon, ang peace talks sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas (GRP) at ng mga komunista o local communist movement ay masasaksihan natin sa Abril 20 ng taong kasalukuyan.
Walang kagatul-gatol ang pahayag ni Roberto Dator, ang pinuno ng GRP Comprehensive Agreement on Socio Economic Reforms (CASER): Tiyak na ito ay mangyayari at malulutas ang socio economic reforms sa bansa. Kaakibat ito ng paniniyak na ang pagtalakay sa CASER, itinuturing na “heart and soul” ng kasalukuyang peace talks sa pagitan ng GRP at ng Communist Party of the Philippines – National Democratic Front (CPP-NDF), ay magaganap sa Department of Agrarian Reform (DAR). Maaari rin itong isagawa sa isang lugar na ihahanda ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na isa ring miyembro ng GRP CASER Team.
Saan man sa ating bansa idaos ang usapang pangkapayapaan, ang mahalaga ay buong ingat at talinong talakayin ng mga kinatawan ng GRP at NDF ang masasalimuot na isyu hinggil sa tunay na land reform, rural development, national industrialization at foreign policy. Matagal nang hinihimay ang naturang mga paksa subalit ang nakaraang mga negotiating panel ay walang nararating na positibong resulta.
Kung ano man ang mapagpapasiyahan sa CASER talks sa ating bansa, marapat lamang ito ay talakayin din at pagtibayin sa Fifth Round ng peace talks na idaraos uli sa The Netherlands sa Mayo o Hunyo. Sana ay hindi na humantong sa kawalan ang mga pagsisikap ng ating mga peace negotiators.
Bukod sa CASER talks, naniniwala rin ako na magiging mabunga ang pagtalakay sa interim joint ceasefire. Taliwas ito sa naunang mga tigil-putukan na kanya-kanyang idineklara ng GRP at NDF; ito ay hindi iginalang ng magkabilang panig na naging dahilan ng kabi-kabilang labanan na humantong sa kamatayan at pagkakasugat ng kanilang mga tauhan. Nauwi ito sa sisihan ng mga lider ng magkabilang panig na naging dahilan naman ng sandaling pagkaunsiyami ng peace talks.
Matindi na ang pananabik ng sambayanang Pilipino sa mailap na kapayapaan sa buong kapuluan. Nakalulungkot isipin na simula nang maitatag ang CPP at NPA noong 1968, marami nang pagtatangka na pagtibayin ang katahimikan sa pagitan ng ating gobyerno at ng grupo ng mga komunista. Isinagawa ang mga peace talks simula noong panahon nina dating Pangulong Corazon Aquino, Fidel V. Ramos, Gloria Macapagal Arroyo, Joseph Estrada at Benigno Aquino III; sa ibang bansa nag-usap ang mga peace panel sapagkat ang CPP Founding Chairman Jose Ma. Sison ay nasa The Netherlands. Nakapanghihilabot na lahat ng mga pagtatangkang matamo ang katahimikan ay nabigo.
Sana, ang higanteng hakbang tungo sa tagumpay ng CASER talks ay matamo natin sa administrasyon ni Pangulong Duterte. Sana nga. (Celo Lagmay)