Blazers, nasungkit ang No.8 sa West playoff; Cavs at Celtics, unahan sa East top seeding.
MIAMI (AP) — Tuloy ang pagdausdos ng Cleveland Cavaliers, habang nanatiling buhay ang pag-asa ng Miami na makasambot ng playoff spot matapos ang 124-121 overtime win ng Heat nitong Lunes (Martes sa Manila).
Nanguna si Tyler Johnson sa naiskor na 24 puntos, kabilang ang huling apat na free throw, habang kumubra si Hassan Whiteside ng 23 puntos at 18 rebound para sa Miami, pormal nang nasibak kung natalo sa Cavs.
Hataw din sina Josh Richardson na may 19 puntos at James Johnson at Goran Dragic sa natipang 16 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Heat na may tsansa pang makadale sa No.8 spot sa East playoff.
Kumana si Deron Williams ng season-high 35 puntos, siyam na assist at pitong rebound sa Cavaliers, bagsak sa 0-7 ngayong season sa sandaling wala si LeBron James.
Hindi rin naglaro sa Cavs sina Kyrie Irving at Tristan Thompson, dahilan para maungusan sila ng Boston sa labanan para sa No. 1 sa Eastern Conference.
CELTICS 114, NETS 105
Sa Boston, muling naagaw ng Celtics ang kapit sa No.1 spot sa East playoff nang wasakin ang Brooklyn Nets.
Kumakalawa si Isaiah Thomas sa nasungkit na 27 puntos para sa Boston, nakopo ang Atlantic Division title at posibleng makamit ang top seed sa East playoff.
Matapos matalo ang Cleveland sa Miami sa overtime, kakailanganin lamang ng Boston na ipanalo ang huling laro sa regular-season kontra Milwaukee sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) para makuha ang No. 1 seed. Sakaling matalo, at manalo ang Cleveland sa huling laro sa Toronto, makukuha ng Cavs ang top seed sa bisa ng tiebreaker kung saan tangan nila ang 3-1 sa head-to-head duel sa Celtics.
JAZZ 105, WARRIORS 99
Sa Oakland, California, tinuldukan ng Utah Jazz, sa pangunguna ni Rudy Gobert na may 17 puntos at 18 rebound, ang 14-game winning streak ng Golden State Warriors.
Dahil sigurado na sa No.1 seeding sa West playoff, hindi na pinilit ni Golden State coach Steve Kerr na habulin ang Jazz at kaagad na isinuko ang laban nang i-bench ang starters sa kabuuan ng final period.
Pinutol din ng Jazz (50-31) ang seven-game losing streak sa Oracle Arena.
Nag-ambag si George Hill ng 20 puntos, habang kumubra si Joe Johnson ng 19 puntos, tampok ang limang three-pointer para patatagin ang kampanya ng Jazz sa No.4 spot sa playoff.
Tumipa si Stephen Curry ng 28 puntos sa loob ng tatlong quarter para sa Warriors (66-15), habang kumana si Kevin Durant sa ikalawang laro mula nang ma-injury ng 16 puntos, 10 rebound at anim na assist.
CLIPPERS 125, ROCKETS 96
Sa Los Angeles, pinasabog ng Clippers ang Houston Rockets para manatiling tabla sa Utah Jazz sa No.4 seeding sa West playoff.
Kumana si Chris Paul ng 19 puntos at nag-ambag si Blake Griffin ng 18 puntos para sa ikaanim na sunod na panalo ng Clippers.
TRAIL BLAZERS 99, SPURS 98
Sa Portland, Oregon, naisalpak ni Noah Vonleh ang layup sa buzzer para sandigan ang Blazers sa pahirapang panalo kontra sa San Antonio Spurs.
Nagawang manalo ng Blazers kahit wala ang dalawang premyadong player na sina Damian Lillard at CJ McCollum.
Nanguna si Shabazz Napier sa Portland sa natipang career-high 32 puntos para sa ikatlong sunod na panalo. Matapos mabigo ang Denver sa Oklahoma nitong Lunes, pormal na kinuha ng Blazers ang ikawalo at huling playoff spot sa Western Conference.
Makakaharap nila sa playoff ang top seed Golden State Warriors, na may tangan na home-court advantage sa kabuuan ng playoff.
Sa iba pang laro, ginapi ng Indiana Pacers ang Philadelphia Sixers, 120-111; tinaboy ng Milwaukee Bucks ang Charlotte Hornets, 89-79; sinuwag ng Chicago Bulls ang Orlando Magic, 122-75; at minani ng Washington Wizards ang Detroit Pistons, 105-101.