AVC, inutusan ng FIVB na ipatupad ang ‘status quo’ sa PH volleyball.
PINAGBAWALAN ng International Volleyball Federation (FIVB) ang Asian Volleyball Confideration (AVC) na tanggapin ang Pilipinas sa lahat ng mga sanctioned tournament ng asosasyon hangga’t hindi pa nareresolba ang ‘leadership dispute’ sa pagitan ng Philippine Volleyball Federation (PVF) at Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI).
Ito ang mapait na katotohanan na napag alaman ni PVF president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada mula kay AVC Southeast Zone Vice President Mr. Shanrit Wongprasert ng Thailand.
“There is no truth to LVPI's reason in its decision to withdraw from its participation in the AVC U23 Volleyball Championships to focus on its preparation for the 2017 SEA Games in Kuala Lumpur. The truth is, AVC has been asked by the FIVB to stop Philippine teams from participating in international events until a decision is reached in the FIVB Board of Administrators meeting in Morocco on May 4-5,” pahayag ni Cantada.
“PVF was never aware of this order until an official of the AVC informed the PVF in its answer to PVF's request for an invitation to participate in the 2nd AVC U23,” aniya.
Ayon kay Cantada, ipinarating nila ang request letter sa AVC at copy furnished ang FIVB sa kagustuhang maitayo ang karangalan ng bansa sa international tourney, ngunit iginiit ni Shanrit na kailangang igalang ang kautusan ng International body sa ibinigay na ‘status quo’ sa Pilipinas.
“Kaya kasinungalingan yung pinagsasabi ng LVPI na mag-focus na lang sa Sea Games kesya sumali sa AVC, dahil alam na nila ang desisyon ng FIVB. Itinago naman sa amin dahil may mga kaalyado sila dyan,” sambit ni Cantada.
Walang opisyal na pahayag si LVPI president Joey Romasanta sa naturang isyu, ngunit nauna nang ipinahayag ni LVPI vice president Jose Cayco na nagdesisyon sila na sa SEA Games na lamang lumahok at hindi na sa AVC under-22 event.
Matatandaang nagbuo ng Ad Hoc Investigative Commission ang FIVB para magsagawa ng imbestigasyon hingil sa katayuan ng liderato ng volleyball sa bansa.
Nilinaw ng FIVB sa sagot sa sulat ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez nitong Marso 16 na ‘status quo’ ang recognition sa Pilipinas hangga’t wala pang pormal na desisyon ang FIVB general assembly.
“Sabi ng LVPI sa press release nila na focus na lang sa SEAG kesya sumali sa AVC U23. Hindi naman sila nagsasabi ng totoo dahil ang sabi ng AVC na inutusan sila ng FIVB na huwag payagan ang Philippine teams na sumali sa mga regional at international events. Hindi puwede sumali hanggat walang decision FIVB Board of Administrators sa Morocco sa Mayo,” pahayag ni Cantada. (Edwin G. Rollon)