diones copy

‘Pinoy tracksters, dadagsa sa Tokyo Olympics’ -- Posadas

MAS maraming Pinoy tracksters ang posibleng magkwalipika sa 2020 Tokyo Olympics.

Kung pagbabasehan ang mga markang naitala ng mga batang atleta sa katatapos na Ayala-Philippine Open sa Iligan City, sinabi ni veteran tactician Jojo Posadas – isa sa National coach ng Philippine athletics team – na malaki ang pag-asa ng bansa na makapagpadala ng mas maraming atleta sa quadrennial Games.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“We have a lot of talents right now at ang maganda mga bata pa na kaya nating ma-trained ng todo. May tatlong taon pa bago ang Tokyo Games, kayang-kaya sa training,” pahayag ni Posadas, personal coach ni SEA Games long jump Queen at two-time Olympian Elma Muros-Posadas.

Kumpiyansa si Posadas na magagawa ito ng Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) higit at nakuha ng asosasyon na pinamumunuan ni Philip Ella ‘Popoy’ Juico ang Ayala Corporation bilang ‘Godfather’ ng athletics.

‘Right now, naka-program ang mga atleta to train in Australia and China. With the help of Ayala and The Philippine Sports Commission (PSC), malayo ang mararating ng mga atleta natin,” sambit ni Posadas.

Kabilang sa potensyal na bibigyan ng atensyon ng Patafa sina triple jumper Mark Harry Diones, pole vaulter EJ Obiena, sprinter Ryan Bigyan, Zion Rose Corales, at ang 4x100m relay team nina Jomar Udtohan, Trenten Beram, Anfernee Lopena at Fil-Am Eric Cray.

“Malaking bagay din si Jose Belbestre, kailangan maalagaan ng todo” sambit ni Posadas patungkol sa 18-anyos mula sa Negros Occidental na nagtala ng bagong record sa boys long jump sa nalundag na 7.43 metro.

Nabura niya ang 6.41 metro na dating naitala ni Joebert Delicano sa Arafura Games sa Darwin, Australia noong 1999.

Sa edad na 20-anyos, kahanga-hanga ang naitalang 16.70 meters ni Diones para sa gintong medalya sa men’s triple jump.

Ayon kay Posadas, ang marka ni Diones, graduating Criminology student sa Jose Rizal University ay gahibla lamang sa Olympic standard na 16.85 meter.

“Proper training and exposure, kayang-kaya na malagpasan pa niya ang Olympic standard,” sambit ni Posadas na kumpiyansang mangunguna si Diones sa SEA Games sa Kuala Lumpur sa Agosto bunsod na rin ng panalo niya kay defending SEAG champion at record-holder Muhammad Hakimi Ismail ng Malaysia (16.06 meters).

Tangan ni Ismael ang SEAG record na 16.76 meters na naitala niya sa Singapore edition.

“He (Diones) can surpass it with proper training. Pag nagkataon, siya ang unang Pinoy na makakapasok sa 17.00 mark sa Olympics,” pahayag ni Posadas.

Bago ang Open, nakapagsanay na sa Italy si Obiena sa nakalipas na tatlong buwan.

Sa kasaysayan ng partisipasyon ng bansa sa Olympics, tanging si Fil-Am runner Eric Cray ang nakapasok sa pamamagitan ng qualifying standard sa 2016 Rio Games. (Edwin G. Rollon)